HINDI lamang ang power interruption, tanim-bala at ang mahabang pila ng mga pasahero ang nagpasama sa imahe ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kundi pati ang pinakabagong kontrobersiya na nilunok ng babaing security officer ang ninakaw na dollar sa paalis na pasahero. Kapag nagkaroon na naman ng pag-aaral sa lahat ng airport sa mundo, tiyak na lalabas na naman na “pinaka-worst” ang NAIA. Ilang beses nang naisasama ang NAIA sa kategoryang ito. At sa kabila ng nakahihiyang kategoriya, patuloy pang gumagawa nang kabalbalan ang mga taga-NAIA. Hindi na sila nagkaroon ng aral.
Pinakabagong kontrobersiya sa NAIA ang ginawa ng babaeng security officer ng Office of Transportation Security (OTS) makaraang mag-viral sa social media ang paglunok niya sa $300 bills na ninakaw niya mula sa paalis na Chinese noong Setyembre 8. Nagtaka ang Chinese sapagkat nawala ang kanyang pera makaraang idaan sa x-ray machine ang kanyang baggage. Inireport ng Chinese sa kinauukulan ang pangyayari at nagkaroon ng imbestigasyon.
Para maitago ang perang ninakaw, nilulon ito ng security officer. Kuhang-kuha sa CCTV na pilit itong nilulunok habang inaabutan ng bottled water ng isang kasamahan. Kamakalawa, lumabas naman sa isang report na chocolate daw ang kinakain ng babaing security officer. Ayon naman sa OTS, sinibak na ang lumunok sa dollars at apat na kasabwat nito ang iniimbestigahan.
Nagpahayag ng pagkadismaya si DOTr Sec. Jaime Bautista at nag-utos na ipataw ang mabigat na parusa sa babae upang maging babala sa iba pa. Hindi raw kukunsintihin ang masamang ginagawa.
Ngayong taon na ito, maraming pagnanakaw na naitala sa NAIA at ang mga sangkot ay taga-OTS. Noong nakaraang Pebrero, nanakawan ng 20,000 yen ang pasaherong Thai national. Dalawang babaing opisyal ng OTS ang sangkot at nakunan din ng CCTV ang pangyayari. Ibinalik ng dalawang babae ang perang kinawat nang makitang nakunan sila ng CCTV.
Noong Marso, isa pang OTS security screening officer ang nasangkot muli sa pagnanakaw. Kuhang-kuha sa CCTV ang pagkuha ni Valeriano Ricaplaza Jr. sa relo ng isang Chinese. Nasa tray ang relo nang ipasok ng Chinese sa x-ray machine pero nawala ito makaraang kawatin ni Ricaplaza.
Tiyak na may mga susunod pang nakakahiyang insidente ng pagnanakaw na kagagawan ng OTS personnel. Kailangan ang paglilinis sa OTS. Magkaroon ng total revamp. Alisin ang namumuno at tauhan nito sa OTS para maisakatuparan ang paglilinis. Magkaroon naman ng delikadesa. Kahiya-hiya na ang NAIA dahil sa mga nangyayaring nakawan. Dagdag batik sa NAIA.