Bad cholesterol, i-kontrol!

Stock image of a man suffering from chest pain.
Pixabay/Tumisu

“Ber” months na naman!! Kaliwa’t kanan na naman ang pagsasalu-salo at Christmas parties kung saan paboritong inihahain ang lechon, crispy pata, sisig, at pritong manok! Siyempre, hindi kumpleto ang kasayahan kung wala ang mga putaheng ito! Pero isang paalala lamang: bantayan ang iyong cholesterol level! 

Paalala ng mga eksperto, hindi lamang mga adult o matatanda ang nagkakaroon ng dyslipidemia o high cholesterol level, pati bata puwede rin.

Kamakailan, nagsilbi akong host sa isang media conference na pinangunahan ng Sanofi Philippines at A. Menarini Philippines na may temang "Lipid Talks: Bad Cholesterol, Dapat I-Control.”

May isang nakababahalang rebelasyon ang mga nakapanayam kong doctor. Sa Pilipinas, 47.2% ng mga adult ang may mataas na total cholesterol level, samantalang umaabot sa mahigit 47.5% naman ang may mataas na antas ng bad cholesterol. Dahil dito, ang Pilipinas ang isa sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya na may pinakamataas na porsyento ng bad cholesterol levels.

Tinatawag na isang “naturally occurring substance” o parte na ng katawan ang kolesterol na dumadaloy sa dugo bilang lipoproteins," pahayag ni Dr. Mia Fojas, isang endocrinologist. "May dalawang pangunahing uri ng lipoprotein: high-density lipoprotein (HDL) o 'good cholesterol' at low-density lipoprotein (LDL) o 'bad cholesterol'. “Maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang ‘bad cholesterol’," paliwanag niya.  Dyslipidemia ang tawag sa kondisyon ng pagkakaroon ng labis-labis na ‘bad cholesterol’ sa dugo. 

Mapanganib ba sa ating kalusugan ang pagkakaroon ng mataas na bad kolesterol? Ang sagot ay oo. “Maaaring maging dahilan ng pagkabara sa mga ugat sa puso ang pagkakaroon ng mataas na bad cholesterol.  Ito nama’y pwedeng magdulot ng malubhang komplikasyon tulad ng stroke at atake sa puso, na parehong mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa,”  sabi ni Dr. Jude Erric Cinco, isang cardiologist at dating pangulo ng Philippine Heart Association.

Ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines habang sila ay nagsasagawa ng outreach program sa pakikipagtulungan sa Municipal Local Government Unit (MLGU) o Magpet.
Eastern Visayas Municipal Command
World Health Organization/Blink-H Morales

At kung akala mo’y ang mga matatanda lamang ang maaaring magkaroon ng dyslipidemia, nagkakamali ka. Walang pinipiling edad ang pagkakaroon ng mataas na unhealthy cholesterol, at lalong tataas pa ang posibilidad ng pagkakaroon nito dahil sa poor diet, katabaan, di pag-eehersisyo, paninigarilyo, o sobrang pag-inom ng alak. Mas karaniwang nagkakaroon ng dyslipidemia ang mga nasa 40 taong gulang o higit pa.  Walang anumang sintomas ang sakit na ito, kaya ito delikado.

“Ang tanging paraan para malaman kung ikaw ay may mataas na ‘bad cholesterol’ ay sa pamamagitan ng pagsusuri ng dugo," pahayag ni Dr. Fojas. "Kaya mahalagang laging nagpapakonsulta sa ating mga doktor upang mas maunawaan kung paano ito maiiwasan at maagapan."

Ang pagkain ng masustansyang pagkain, regular na pag eehersisyo, pagbabawas ng timbang, pag iwas sa mga bagay na nakadudulot ng stress, at pagtigil sa paninigarilyo ang payo ng mga eksperto upang maiwasan o maagapan ang dyslipidemia. Gayunpaman, sa ilang mga kaso, maaaring hindi sapat ang mga pagbabagong ito upang maibaba ang antas ng kolesterol. Sa mga ganitong kaso, maaaring magreseta ang doktor ng mga gamot upang tuluyang makontrol ang pagtaas ng kolesterol sa dugo. 

“Lipid Talks: Bad Cholesterol, Dapat I-Kontrol” press conference kasama ang endocrinologist na si Dr. Mia Fojas at ang Cardiologist-Intensivist na si Dr. Jude Erric Cinco na nagbahagi ng mga impormasyon tungkol sa practical disease management ng dyslipidemia.

Dagdag pa ni Dr. Cinco, “Kumunsulta sa iyong doktor upang matulungan ka niyang maabot ang iyong target cholesterol level batay sa iyong risk category. Ang iyong doktor ang may kakayahang magrekomenda ng isang naaangkop na gamot na higit na makatutulong sa iyong kalagayan.'' 

Sa bahay, maingat dapat tayo sa mga pagkaing ating inihahanda kapag may diet restrictions ang ilang miyembro ng ating pamilya para hindi sila mahirapang iwasan ang mga pagkaing bawal sa kanila. Bilang mga magulang, dapat tamang eating habits ang ipamana natin sa ating mga anak para lumaki silang malakas at walang mga sakit.  Ang pagkain ng masustansyang pagkain ay dapat na usapin din ng buong pamilya, at utang natin sa ating mga anak na turuan sila nang tama, kasama na rito ang pagpili ng tamang pagkaing Mabuti sa kanilang katawan.

 

--

Panoorin ang Pamilya Talk sa FacebookYouTube at Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu. Iparating ang inyong mga tanong at suhestiyon, at sumulat sa editorial@jingcastaneda.ph.

Show comments