HINDI ko na mabilang ang mga balita tungkol sa mga taxi drivers na nagsasauli ng mga naiwang pera ng mga pasahero. Gayundin naman ang maraming nagtatrabaho sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na kalimitan ay janitor o mga airport guards, na nakakapulot ng naiwang mamahaling gamit o salapi ng mga pasahero. Ibinabalik nila ito sa mga may-ari na ang kapalit kung minsan ay “thank you.” Minsan naman ay binibigyan din sila ng pabuya.
Pero mas mahalaga ang karangalang natatamo nila kapag nag-viral sa lahat ng media ang kabutihan nila.
Minsan, limpak-limpak na dolyares ang ibinabalik nang walang panghihinayang. Kahit hindi pobre ang tao, ang malalaking halaga ay nakatutuksong angkinin lalo pa’t walang ibang nakakita nang mapulot ito. “Topo-topo barega” ang katwiran ng mga walang budhi.
May narinig akong kinapanayam sa radio matapos isauli sa may-ari ang napulot na kalahating milyong piso. Aniya, kahit maliit ang sahod niya at may mga pinag-aaral na anak, hindi kaya ng kanyang konsensiya na angkinin ang hindi sa kanya.
Kasalu-saludo ito dahil sa kabila nang kanilang karalitaan, nagagawa nilang ibalik ang malaking halaga na puwedeng magpasimula sa kanilang pagyaman.
Paminsan-minsan, may mga nakakadismayang insidente ng pagnanakaw sa mga dayuhan na naganap sa ating pandaigdig na paliparan.
Isa na rito ang empleyada ng NAIA na kumupit ng $300 sa wallet ng isang dayuhang Chinese at para huwag mahalata ay nilunok niya ito. Malas lang niya porke nahagip ng CCTV camera ang pagsubo niya sa pera.
Isang batik na naman ito sa image ng NAIA, pero sana, alalahanin ng mga dayuhan ang mga nakararaming tapat na kagawad ng NAIA na nagsasauli ng mga bagay na kanilang napupulot.