KASO ito ng sikolohiyang karahasan laban sa isang babae ayon sa Republic Act 9262. Upang managot ano ba ang uri ng pinsala na natamo ng biktima? Sasagutin ito sa kaso nina Liza at Henry.
Labimpitong taon nang kasal sila Liza at Henry. Sa mga unang taon maganda ang kanilang pag-sasama pero ito ay sumama nang malaman ni Liza na may mga ibang babae pala si Henry. Sinusustentuhan nito ang anak sa babaing si Nina at nagbayad din siya ng P37,000 para sa operasyon ng isa pang babaing si Minda.
Nang kinumpronta ni Liza si Henry tinanggi ito ni Henry. Humantong ito sa mainit na pag-aaway at magmula noon ay humiwalay na si Liza kay Henry. Marami pang awayan ang dalawa hanggang nasaktan ang damdamin ni Liza (emotionally wounded). Tinatakot pa ni Henry si Liza na baka mapatay niya ito dahil sa poot. Dahil sa takot, nag-report si Liza sa pulis at nagsampa na kasong paglabag sa RA 9262.
Bilang depensa sinabi ni Henry na masaya naman daw ang kanilang samahan at umasim lang daw ito dahil sa tsismis na mayroon siyang karelasyong ibang mga babae. Ninerbiyos ang kanilang mga anak kaya nagsampa na ng sinumpaang salaysay si Liza na iurong na niya ang kaso.
Ngunit nagdesisyon pa rin ang RTC na may sala si Henry ng “violence against women and children Act o RA 9262”. Kinumpirma ito ng Court of Appeals (CA). Tama ba ang RTC at CA?
Tama sabi ng Supreme Court (SC). Ang sikolohiyang karahasan ay mga pagkilos o di pagkilos na sanhi ng mental o madamdaming paghihirap ng isang biktima tulad ng pananakot, pagkabalisa o panggulo, pagsubok, pagsira ng mga ari-arian, pangungutya, pang-aabuso at pagtataksil ng asawa.
Ang mga ito ay napatunayan sa testimonya ni Liza na pinatotohanan ng kanyang kapatid. Kaya napatunayan talaga na may sala si Henry ng walang duda. Kasiguruhang moral lamang ang kailangan para mapatunayan ang pagklakasala.
Bukod sa parusa kay Henry dapat din siyang sumailalim sa sikolohikal na paggamot (xxx vs. People, G.R No. 243049, October 5, 2020).