ANG fatty liver ay taba na naimbak sa selula ng atay at kadalasan ay nakikita sa mga edad 40’s at 50’s. Ang pagkakaroon ng fatty liver ay malalaman batay sa resulta ng ultrasound.
Kadalasan, wala itong sintomas pero sa ibang pasyente ay lumalaki ang atay, makirot sa kanang bahagi ng tiyan at madaling mapagod.
Ayon sa mga eksperto, maaaring may kaugnayan ang fatty liver sa pagiging mataba, mataas na asukal sa dugo o diabetes, mataas ang triglyceride at kolesterol. Ang iba pang risk factor ay polycystic ovary syndrome, hypothyroid at iba pang sakit.
Tamang pagkain para may fatty liver:
1. Kumain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas araw-araw.
2. Puwedeng kumain ng mais, patatas, kamote, ube at kamoteng kahoy. Magbawas sa kaning puti.
3. Mabuti ang protina galing sa isda, mongo, karne, manok na walang taba, low fat milk, yogurt at soya milk.
4. Piliin ang healthy fats tulad ng mani, kasoy, garbanzos at olive oil. Umiwas sa butter o krema, mayonnaise at sebo.
5. Panatilihin ang tamang timbang at regular na mag-ehersisyo.
6. Tubig ang pinakamagandang inumin para sa iyo. Umiwas sa matatamis na inumin.