May proteksiyon na para sa magsasaka

SALAMAT naman at tila natugunan na ng gobyerno ang apela natin para maproteksiyunan sa pagkalugi ang mga magsasaka sa ipinatupad na price cap sa pagbebenta ng bigas.

Hindi man sila nagbigyan ng ayuda katulad nang ibi­nigay sa mga traders ng bigas, nagpatupad na rin si Pre­sidente Bongbong Marcos ng price ceiling sa halaga ng palay para huwag baratin ng mga traders ang mga magsasaka.

Kung sapilitang magbebenta ang mga traders sa hala­gang itinakda ng pamahalaan na anila’y mababa, maha­harap sila sa pagkalugi. Kaya naman nagbigay na ng ayu­dang pinansiyal ang pamahalaan upang pagtakpan ang pagkalugi. Wala na silang rason para mambarat sa mga magbubukid.

Hindi ko lang matiyak kung kuntento na ang mga magbubukid sa price cap na P19-P23 para sa basang palay at P16-P19 para sa pinatuyo. Iyan ang resulta ng bagong presyuhan na binuo ng National Food Authority (NFA).

Mas maganda sana kung ayudang pinansyal din ang ibinigay sa mga magsasaka pero makuntento na muna tayo riyan. At least naresolba ang problemang idinadaing ng mga magsasaka kaugnay ng ipinairal na price cap sa bigas.

Ang inaangkat na bigas ay magsisilbing reserba lang ng NFA para makapagbenta ng murang bigas para sa mga naghihirap.

Show comments