Ngayong 2023, sunud-sunod ang mga paglindol. Noong Pebrero, nilindol ang Turkey at Syria na ang bilang ng mga namatay ay umabot sa 35,000. Noong Agosto 28, niyanig ng 7.0 magnitue na lindol ang Bali, Indonesia at wala namang naiulat na namatay bagamat may mga nawasak na bahay. Noong nakaraang Setyembre 8, nilindol ang Morocco na ang bilang ng mga namatay ay umakyat na sa 2,946 at marami pa ang hinahanap hanggang sa kasalukuyan.
Ang mga nangyari sa Turkey, Syria, Indonesia at Morocco ay posibleng mangyari rin sa Pilipinas. Hindi naman kataka-taka sapagkat ang Pilipinas ay nasa “ring of fire”. Napapalibutan ng mga bulkan. Walang makapagsasabi kung kailan tatama ang lindol.
Ayon sa Phivolcs, kapag lumindol sa Metro Manila na may lakas na 7.2 magnitude posibleng mamatay ang 34,000 katao at 114,000 masusugatan. Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, ang West Valley Fault ay may kakayahang mag-generate ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude. Pinag-aralan na umano ito noon pang 2004. Ito ayon kay Bacolcol ang tinatawag na “Big One” na tatama sa MM. Ang pag-aaral sa “Big One” ay nakasaad sa Earthquake Impact Reduction Study for Metro Manila na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Ang tanong ay kung handa ba ang mga tao sa pagtama ng “Big One”? May nakahanda bang mga plano? Saan mag-e-evacuate?
Noong Pebrero, makaraan ang mapaminsalang lindol sa Turkey, nagmungkahi ang Senado na magkaroon ng contingency plan sa Metro Manila at buong bansa para sa pagtama nang malakas na lindol. Pero nang humupa ang balita ukol sa lindol, wala nang narinig sa Senado ukol sa contingency plan. Nawalang parang bula. Posibleng maalala ito kung may magaganap na malakas na lindol. Sana naman, balikan ng Senado ang ukol sa contingency plan sapagkat mahalaga ito sakali at tumama ang the Big One.
Marami nang lindol ang tumama sa bansa. Noong Hulyo 16, 1990, lumindol sa Luzon na ikinamatay ng 1,600 katao at ikinawasak ng mga gusali at hotel. Noong Agosto 2, 1968, tumama ang magnitude 7.6 na lindol na ikinawasak ng Ruby Tower sa Sta. Cruz, Maynila at ikinamatay ng 270 katao.
Mahalaga ang pagdaraos ng earthquake drill upang maihanda ang mga empleyado at estudyante sa pagtama ng lindol. Magsagawa ng pag-inspeksiyon sa mga gusali. Dumaan ba sa pagsusuri ang istruktura ng mga gusali at bahay? May mga safety standards bang sinunod ang mga ito nang itinayo?
Paghandaan ang “Big One”. Mahalaga ang nakahanda sapagkat walang nakaaalam kung kailan ito magpaparamdam.