^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Laban o kampi sa mga tiwali?

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Laban o kampi sa mga tiwali?

Sa pagharap ni Ombudsman Samuel Martires sa deliberasyon ng panukalang P5.05 bilyong pondo para sa kanyang tanggapan noong Martes, nasabi niya na ang korapsiyon sa Pilipinas ay naging endemic na o sa madaling salita, naging kalakaran na. Sa bawat ahensiya aniya ng pamahalaan ay naging uso na ang katiwalian at ang pagsugpo rito ay maaaring abutin nang matagal o maaaring habambuhay na.

Totoo naman ang sinabi ni Martires na talamak ang korapsiyon sa pamahalaan. Alam niya ang lalim ng ko­rapsiyon sa mga tanggapan. Siya ang inatasang pa­ngu­nahan ang kampanya laban sa katiwalian maka­raang italaga ni dating President Rodrigo Duterte noong 2017.

Sinabi pa ni Martires na ang pera ay nagiging makapangyarihan. At kapag mayroon nang kapangyarihan talagang sikat na ang nagtataglay nito. Ayon pa kay Martires ang mga Pilipino ay nawalan na ng paggalang sa Diyos at pagpapahalaga sa sarili.

Tama ang mga sinabi ng Ombudsman ukol sa pagla­ganap ng katiwalian sa mga tanggapan ng pamahalan. Talagang grabe at malalim na. Sukdulang kalimutan na ng mga tiwali ang Diyos at nawawalan na ng pagrespeto sa sarili.

Kaya lubhang nakakagulat kung bakit naman biglang naisip at naipanukala ni Martires na itigil ng Commission on Audit (COA) ang pagsasapubliko ng kanilang findings sa mga ahensiya ng gobyerno. Ipanunukala umano niya sa Kongreso na alisin na ang espesyal na probisyon sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) na paglalathala ng audit observation memorandum. Nag­dudulot daw ng kalituhan at nahuhusgahan na agad ang ahensiya ng gobyerno sa ginagawang pagsasapubliko. Laban ba o kampi siya sa mga korap?

Ang panukala ni Martires ay sumasalungat sa totoong trabaho ng COA. Nalimutan yata ng Ombudsman na ang COA ang state auditor ng bansa at may mandato na isailalim sa auditing ang mga gastusin ng mga ahen­siya ng gobyerno at isapubliko ito. Taun-taon, ginagawa ng COA ang pagsasapubliko ng kanilang audit report. Malaya itong nalalaman ng taumbayan.

Kung pagbabawalan ang COA sa paglalathala ng audit report, matutuwa ang mga korap sa pamahalaan. Kung wala nang magsasalita o maglalahad ng mga ginastos ng ahensiya, tiyak nang lulubha pa ang korapsiyon. Wala namang masama kung isapubliko. Bakit naman mahuhusgahan agad ang ahensiya o mga opis­yal ng nasabing ahensiya dahil sa pagsasapubliko. Kung wala silang kasalanan, hindi dapat matakot.

Hindi dapat bawalan ang COA sa paglalahad ng kani­lang audit report. Kailangan ito at karapatan ng mamamayan na malaman.

vuukle comment

OMBUDSMAN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with