KUNG aayudahan ng pamahalaan ang rice retailers na apektado ng price ceiling, dapat tulungan din ang mga mangingisda na apektado nang panggigipit ng Chinese authorities sa Scarborough Shoal. Dahil sa pagharang ng China Coast Guard at iba pang militia vessels, hindi na makapangisda ang mga Pilipino sa Scarborough na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Mamamatay sa gutom ang pamilya ng mga mangingisda kapag nagpatuloy ang pagharang sa kanila. Saan sila mangingisda kung patuloy silang pagbabawalan? Ang Scarborough ang kinaroroonan nang maraming isda at dito umaasa ang mga mangingisdang Pinoy. Dito nila kinukuha ang araw-araw nilang ikinabubuhay. Para silang pinatay kapag hindi umalis ang mga barko ng China na patuloy na nagbabantay sa Scarborough.
Dito rin sa lugar na ito nangyari ang pag-water cannon sa mga mangingisdang Pinoy noong 2021. Itinaboy ang mga mangingisda ng China Coast Guard at nang hindi sila sumunod, binomba sila ng tubig. Napilitan silang umalis.
Noong 2019, dito rin nangyari ang pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mga mangingisda na ikinasira nito. Muntik nang malunod ang mga mangingisda at nakaligtas lamang nang may dumaan na Vietnamese fishing boat at tinulungan sila.
Ngayon ay hindi na natitinag ang mga barko ng China at binabantayan ang Scarborough para masiguro na walang makakapasok na mga mangingisdang Pinoy. Ayon sa report, bukod sa CCG, may mga Chinese militia vessels na paikut-ikot sa shoal.
Ang nangyayaring ito ay kinondena ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ayon kay AFP spokesperson Col. Medel Aguilar, malaking insulto sa Pilipinas ang ginagawang pagharang at pagbabantay ng CCG sa Scarborough Shoal. Ayon kay Aguilar walang basehan ang China sa pag-angkin sa Scarborough. Teritoryo iyon ng Pilipinas at nakapaloob sa EEZ ng Pilipinas. Mariing sinabi ni Aguilar na nakapanghihinayang kung mapapasakamay ng China ang Scarborough pero tingnan daw kung ano ang mga susunod na mangyayari. Hindi raw sila papayag na ganyan na lang lagi ang gagawin ng China sa mga mangingisda.
Nararapat suportahan ang AFP sa kanilang pakikibaka sa mapagkamkam na China. Sa ngayon, dapat pagkalooban ng ayuda ang mga mangingisdang apektado ng panghaharang at panggigipit ng CCG sa Scarborough. Maaaring mamatay sila at kanilang pamilya sa gutom kapag hindi nakapangisda. Huwag silang pabayaan. Nararapat silang makatanggap ng agarang tulong.