EDITORYAL — Pambu-bully ng China, tuloy

HINDI na maganda ang ginagawa ng China Coast Guard na hinaharang ang mga barko ng Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng Rotational at Resupply (RORE) mission sa mga sundalo na naka-station sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Habang tumatagal lalong nagiging agresibo ang CCG at gustong banggain na ang mga barko ng PCG. Maaaring sa mga susunod na RORE mission ng PCG sa Ayungin ay mas matindi pa ang ipakikita ng China. Posibleng may masaktan na at may mamatay dahil sa ginagawang pambu-bully.

Noong Biyernes, nagsagawa uli ng RORE mission ang PCG. Iyon ang ikatlong paghahatid ng supply sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre. Una ay noong Agosto 5 kung saan ay binomba ng tubig ang PCG. Isang barko lang ang nakapaghatid ng supply sa Sierra Madre. Ang ikalawang RORE mission ay noong Agosto 22 na hinarang muli ng CCG pero nakalusot ang PCG. Ang ikatlo nga ay noong Biyernes na nagkaroon ng habulan at ginitgit ng CCG at iba pa ang mga barko ng PCG.

Halos tatlong oras na nagkaroon ng habulan at muntik-muntika nang mabangga ng CCG ang PCG. Halos dalawa o tatlong metro na lamang ang pagitan ng CCG sa hinahabol na PCG. Hindi naman nagpatinag ang mga magigiting na miyembro ng PCG at mabilis na nakalusot sa mga kumuyog na barko ng China. Naihatid nila ang supply sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre.

Tiyak na magpapatuloy ang ginagawang pagharang ng CCG sa mga susunod pang misyon ng PCG sa Ayungin Shoal. Pero sabi ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi sila natatakot at ipagpapatuloy ang misyon para sa mga sundalong nagbabantay sa BRP Sierra Madre. Sabi ni AFP Spokesman Col. Medel Aguilar, tungkulin ng AFP na pangalagaan ang mga sundalo sapagkat ang lugar ay sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Ang pangyayari noong Biyernes ay naganap ilang oras makaraang magsalita si President Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng mga lider ng Southeast Asia sa ginanap na 43rd Association of Southeast Asian Nations Summit sa Jakarta, Indonesia at mariing kinondena ang mapanganib na paggamit ng China ng kanilang barko para i-harass. Binanggit ni Marcos ang pag-water cannon ng CCG sa PCG. Hinimok ni Marcos ang Asean leaders na umaksiyon sa ginagawa ng China.

Wala pang inilalabas na pahayag ang Malacañang sa panibagong pangha-harass ng China sa PCG. Tama naman nagsumbong siya sa mga kapwa lider Asyano ukol sa ginagawa ng China sa West Philippine Sea.

Maghain pa ng diplomatic protests ang Pilipinas sa China. Ito ang magagawa sa ngayon. Mahigit 400 diplomatic protests na ang inihain ng Pilipinas sa China.

Suportahan naman ng mamamayan ang AFP sa mga ginagawang misyon para sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre. Huwag matakot sa China.

Show comments