Hindi isusuko ni-isang pulgadang teritoryo ng Pilipinas. Tugon ‘yan ni President Marcos Jr. sa surveys na 84% ng mga Pilipino ay nais igiit ang karapatang pakinabangan ang West Philippine Sea.
Paano ito igigiit? Barenahin ang langis at gas sa Recto (Reed) Bank, ngayon na, panukala ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio.
Mauubos na ang gas ng Malampaya offshore oil well, Palawan, sa 2024-2027. Dahil 40% ng kuryente sa Luzon ay galing sa Malampaya gas, magba-blackouts kapag maubos ang pang-ningas.
Magsasara ang mga pabrika. Mag-aalisan ang dayuhang investors. Milyon-milyon ang masisirang trabaho. Walang klase. Hindi pwedeng work-from-home at online classes kasi walang kuryente sa bahay.
Matagal nang handa ang Forum Energy na lisensyadong magbarena sa Recto. Basta protektahan daw sila kontra sa panggugulo ng Chinese Navy at Coast Guard.
May dayuhang partners ang Forum. Kinikilala ng multinational Shell, Exxon atbp. exploration firms ang pagkapanalo ng Manila sa Permanent Court of Arbitration nu’ng 2016. Hindi sila makiki-kontrata sa China National Offshore Oil Corp. na ilegal na umaangkin sa Recto.
Paano mapu-protektahan ang Forum? Gayahin ang Malaysia at Indonesia, ani Carpio.
Ilegal na inaangkin din ng China ang dagat ng dalawang bansa. Pero naki-joint naval exercises sila sa America malapit sa offshore oilfields nila. Habang naroon ang navies, nagbarena sila.
Mag-joint naval patrols tayo sa Recto sa ilalim ng PH-U.S. Mutual Defense Treaty. Pasabayin ang pagbarena ng Forum. Asahang aangal ang China. Pero ang mahalaga’y hawak na natin ang langis at gas, ani Carpio. Patunay ‘yon sa mundo na atin ang Recto Bank.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).