Maganda ang health care program na inilunsad ni First Lady Liza Araneta Marcos sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kasama ang PhilHealth: LAB for ALL. Sa pandinig ay parang “love for all.”
Ang ibig sabihin ay libreng gamot, laboratoryo at pagkunsulta sa doktor para sa bawat mamamayan.
Ang programa ay isang caravan na naghahatid sa bawat lalawigan ng free medical service sa mga mamamayan. Layunin ni First Lady na ilapit ang mga ito sa tao sa halip na ang mga tao ang maghanap sa mga ito, Mayroon nang sampung lalawigan ang narating ng Caravan kasama ang Batangas, Baguio, Tarlac, Pampanga, Laguna, Bulacan, Zambales, Oriental Mindoro, Bataan kasama ang Metro Manila.
Ang PhilHealth ay aktibong kabahagi ng programang ito. Dala ng PhilHealth sa bawat caravan ang PhilHealth KONSULTA o Konsultasyong Sulit at Tama. Sa bawat lalawigang pinupuntahan, nirerehistro ng PhilHealth ang mga dumadalo sa Konsulta provider na malapit sa tinitirhan nila upang maging tuluy-tuloy ang paggamit ng primary care services ng mga Pilipino.
Sa ngayon, mayroon nang 2,288 accredited na KONSULTA providers sa buong bansa.
Layunin nito na bigyan ng mabilis at libreng serbisyong pangkalusugan at gamot ang mga mamamayan laban sa mga chronic illness. Alinsunod ito sa Universal Health Care Act.
At ang pinakamahalaga ay ang pagpigil sa paglubha ng sakit sa pamamagitan ng maagang konsultasyon sa doctor o healthcare professional. May nakalaan ding gamot ang KONSULTA na maaaring makuha nang libre sa mga accredited na pasilidad. Bawat Pilipino ay puwedeng magparehistro sa mga accredited PhilHealth Konsulta Provider para sa: Consultation, Health Risk Screening at Assessment, Selected Laboratory at Diagnostic Tests, at piling gamot na kailangan. Sa ngayon, mayroong 13 laboratory benefits ang Konsulta tulad ng:
CBC w/ platelet count, urinalysis, fecalysis, sputum microscopy, fecal occult blood, pap smear, lipid profile (Total Cholesterol, HDL and LDL Cholesterol, Triglycerides), FBS, OGTT, ECG, Chest X-Ray, Creatinine at HbA1c.
Sa 21 gamot na saklaw ng programang KONSULTA, kabilang dito ang para sa diabetes, hika at alta presyon. Napakalaking tulong nito na maging tuluy-tuloy ang pag-inom ng gamot para bumuti ang kondisyon ng pasyente. Napapanahon na na magparehistro na tayo sa malapit na KONSULTA provider.