EDITORYAL — Regular drug tests sa mga pulis
HINDI lamang recycling at pagtutulak ng shabu ang ginagawa ng ilang pulis, gumagamit din sila ng shabu. Kaya nararapat kumilos si PNP chief Gen. Benjamin Acorda upang matukoy lahat ang mga pulis na gumagamit ng droga particular ang shabu. Kapag hindi siya kumilos, nasa malaking panganib ang bansa sapagkat ang mga pulis na inaasahang magpuprotekta sa mamamayan ay nasa impluwensiya ng illegal na droga.
Mahirap paniwalaan subalit ito ang katotohanang nangyayari ngayon. Hindi kathang isip lamang ang balitang gumagamit ng shabu ang mataas na opisyal ng pulisya. Totoo at nakaka-shock.
Tinanggal sa puwesto ang hepe ng Mandaluyong City Police matapos magpositibo sa isinagawang surprise drug tests sa National Capital Regional Office (NCRPO) noong Agosto 24. Bukod sa opisyal, ilan pang pulis ang nagpositibo sa paggamit ng shabu. Kinilala ang police official na si Colonel Cesar Gerente.
Sinabi ni Eastern Police District (EPD) Director Police Brigadier General Wilson Asueta, na batay sa isinagawang surprise drug test nagpositibo si Gerente. Kasalukuyang nasa regional personnel holding and accounting section ng NCRPO regional personnel records management division si Gerente habang hinihintay ang kanyang confirmatory test. Mariing sinabi ni Asueta na hindi nila kukunsintihin ang mga kasamahan nilang pulis na gumagamit ng illegal drugs.
Nakakahiya na ang mga sunud-sunod na pangyayaring kinasangkutan ng mga pulis at ngayon nga ay hepe pa ang sangkot. Noong nakaraang taon, nahulihan ng 1 toneladang shabu ang pulis na si Rodolfo Mayo ng PDEG. Nagkakahalaga ng P6.7 bilyon ang shabu. Nasibak lahat ang buong unit ng PDEG dahil sa pag-cover-up sa nakumpiskang shabu. May mga matataas na opisyal ng PNP ang sangkot sa cover-up.
Maraming pulis mula sa drug enforcement unit ang nagre-recycle ng shabu. Hindi lahat ng drogang nakukumpiska nila ay isinusumite para gawing ebidensiya. Itatago nila ang shabu at saka ibebenta muli sa kalye. Paikut-ikot lang ang shabu. Isang dahilan kaya hindi maubos ang shabu. Maraming pulis ang gumagawa ng ganito. Bukod sa recycling, gumagamit pa ng droga ang ilang pulis.
Magsagawa ng surprise regular drug tests sa mga pulis. Ito na lamang ang tanging paraan para makatiyak kung gumagamit o hindi ang mga pulis. Isagawa ito para maisalba ang imahe ng PNP na dapang-dapa na dahil sa kagagawan ng mga miyembro na nalilihis ng landas.
- Latest