EDITORYAL -Basura at baha
Marami na naman ang naperwisyo ng baha sa Metro Manila at iba pang probinsiya noong Huwebes at maging kahapon. Dulot ng habagat ang pag-ulan na naging dahilan ng pagbaha. Sinuspende kahapon ang pasok sa mga eskuwelahan at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno dahil sa patuloy na pag-ulan. Habang palabas ng bansa ang bagyong Goring, pumasok naman sa bansa ang Bagyong Hanna. Inaasahan ang mga pag-ulan pa at pagbaha hindi lamang sa MM kundi sa iba pang bahagi ng bansa.
Lumubog sa baha ang maraming kalsada sa Maynila, Quezon City, Malabon at Valenzuela. Hindi madaanan ng mga maliliit na sasakyan ang España Blvd. sa Maynila at ang Araneta Avenue sa Quezon City. Baha rin sa Taft Avenue at sa Rizal Avenue. May pagbaha rin sa Buendia at Pasay Road sa Makati.
Ang nakapagtataka lang ay matagal humupa ang baha sa mga kalsada ngayon. Hindi katulad sa mga nakaraang pagbaha na sa loob lamang ng isang oras ay hupa na ang tubig-baha kaya nakakalampas na ang mga sasakyan.
Barado ang mga drainage o imburnal kaya mabagal humupa ang baha. Itinuturong dahilan ang mga plastic na basurang nakabara sa imburnal. Isa pang dahilan ay ang mga tumigas na semento na nagmula naman sa mga itinatayong condominium at building. Dahilan din ang mga ginagawang reclamation project sa Manila Bay.
Subalit lumabas sa mga isinagawang pag-aaral, ang mga single-use plastic ang numero unong dahilan kaya may pagbaha sa Metro Manila. Nakabara ang mga single- use plastic sa waterways. Dahil walang madaanan ang tubig, sa kalsada naiistak. Kabilang sa mga nakabara sa daluyan ng tubig ang mga plastic sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, catsup, toothpaste at iba pang plastic wrappers. Hindi nabubulok ang mga ito kaya forever na maghahatid ng problema sa tao.
Ang problema sa plastic na basura ay malaking hamon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga. Inamin ni Loyzaga na 61,000 metrikong tonelada ng basura ang itinatapon sa Pilipinas kada araw at 24 percent sa mga basurang ito ay plastic. Sinisikap umano ng DENR na ang mga plastic na basura ay hindi makarating sa karagatan at sa coastal areas.
May mga ordinansa ang bayan at lungsod na pinagbabawal ang pagtatapon ng basura sa mga estero at kanal. May katapat na kaparusahan ang mahuhuling magtapon. Pero ningas-kugon ang mga kautusan sapagkat hindi na pinatutupad. Hindi matatapos ang problema sa baha kung patuloy ang walang disiplinang pagtatapon ng basura sa kung saan-saan. Magkaroon na ng ngipin upang maturuan ang mamamayan na maging responsible sa pagtatapon ng basura at nang maiwasan ang pagbaha.
- Latest