ANG ipinamalas ni Dupax del Norte, Nueva Vizcaya mayor Timothy Joseph Cayton bilang katangi-tanging lingkod-bayan ay nagkamit ng papuri sa katatapos lamang na Gawad Parangal ng Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines, Inc. (ALSWDOPI) na ginanap sa SMX Convention Center sa Lanang, Davao City noong Agosyo 15, 2023.
Bilang Most Outstanding Local Chief Executive sa categoryang 1st—3rd class municipality for Luzon island, kinikilala ang mga innovations at signature programs ni Cayton na matatagpuan lamang sa Dupax del Norte lalo na sa programang pagpapaunlad sa lipunan.
Ang katangi-tanging programa ni Cayton na “Para sa Patuloy na Pagbabago,” na nakatuon sa kagalingang panlipunan, pampublikong edukasyon, pagpapahalaga sa kalusugan, imprastraktura at pabahay ay tinitingala ng buong bansa.
Mula pa noong 2016 nang manungkulan bilang mayor, itinalaga na ng Dupax del Sur ang regular honorarium sa lahat ng Sangguniang Kabataan councilors, secretaries at treasurers, pati na rin mga barangay tanod at purok leaders. Nagkaroon din ng libreng pabahay sa tribung Bugkalot.
Isinabatas din ng lokal na pamahalaan ng Dupax del Sur ang regular na ayudang pinansyal sa mga magsasaka ng palay, mais at gulay, regular na ayudang pinansyal sa pagpapaaral sa mga estudyante sa kolehiyo at children with special needs, regular na ayudang pinansiyal para sa solo parents at kasambahay.
Regular na inaayudahan din ng Dupax del Norte ang mga dialysis patients at regular na ginagawaran ng pension ang lahat ng senior citizens na hindi nakakatanggap ng pension mula sa DSWD.
Lahat ng Day Care workers sa bayan ay nabibigyan ng regular na allowances at dagdag na allowances sa lahat ng guro sa elementarya at secondarya sa bayan.
Nananatiling hamon, ayon kay Cayton, na tagapangulo rin ng League of Municipalities intThe Philippines (LMP)-Nueva Vizcaya chapter, na ipagpatuloy ng bayan ng Dupax del Norte ang sinimulang tapat na paglilingkod sa mga mamamayan nito.
Ipinagmamalaki ng buong sambayanan ang dedikasyon ng mga opisyal at kawani ng Dupax del Norte bilang mga lingkod-bayan.
***
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com