Ano ang andropause at solusyon dito
KUNG ang babae ay may menopause, ang mga lalaki naman ay may andropause. Iba ang sintomas ng menopause sa babae kumpara sa lalaki.
Ang menopause sa babae ay biglang dumarating ng mga edad 45 hanggang 55, kung saan hihinto na ang pagreregla ng babae. Tumitigil na ang paggawa ng itlog (egg cell) ng babae at biglang babagsak ang lebel ng estrogen sa katawan.
Dahil dito, nakararamdam ang babae ng pag-iinit ng katawan (hot flushes), irregular na regla, pagkabalisa, hindi makatulog at pag-iinit ng ulo.
Kumunsulta sa OB-gynecologist para malunasan ito.
Andropause sa lalaki:
Ang andropause ay posibleng mangyari sa mga lalaki. Ito ang tinaguriang “male menopause.”
Mula sa edad 30 ay unti-unti nang bumababa ang lebel ng testosterone ng lalaki ng 1% kada taon. Pagdating ng edad 70 ay posibleng bumaba na ang lebel ng testosterone ng halos 50%. Dahil dahan-dahan ang pagbaba ng testosterone at hindi ito gaanong napapansin ng kalalakihan.
Ang sintomas ng andropause ay ang (1) pagbawas ng gana sa sex, (2) lumiliit na mga masel ng katawan, (3) panghihina, at (4) pagbaba ng kumpiyansa sa sarili (low self confidence).
Ang iba naman ay nalulungkot at nahihirapang matulog.
Para malaman kung mababa ang iyong testosterone, puwede itong ipasuri sa laboratoryo sa pamamagitan ng blood test.
Ano ang solusyon sa andropause?
Una, kumain ng masustansya at ituloy ang regular na ehersisyo. Pangalawa, magpa-check up sa doktor para malaman kung may ibang dahilan ang iyong nararamdaman. Baka naman hindi andropause ang sanhi ng sintomas mo.
Mag-ingat sa pag-inom ng mga supplements para sa testosterone. Hindi pa tiyak ang benepisyo at peligro nito. Kumunsulta sa inyong doktor.
***
Solusyon sa almoranas
MARAMI ang nagkakaalmoranas. Ayon sa pag-aaral, pagdating ng edad 50, mga 50 percent ng tao ay may almoranas na.
Ano ang almoranas? Ito’y mga ugat at laman na lumalabas sa puwit. May mga ugat sa loob ng puwit, at sa katagalang pag-iire, puwede itong lumalabas, maipit at dumugo.
Ang sintomas ng almoranas ay ang masakit na pakiramdam habang dumudumi. Parang may humihiwa o napupunit sa puwit. Minsan, may dugo sa dumi o sa puwitan. May pagkakataon na makakapa rin ang almoranas sa puwitan.
Ang sanhi ng almoranas ay ang pagtitibi o pagiging constipated. Kailangan natin mapalambot at mapadali ang pagdumi.
Pagkaing mataas sa fiber (high-fiber foods):
Ang pinaka-solusyon dito ay damihan ang pagkain ng pagkaing mataas sa fiber. Kailangan natin kumain ng limang tasa ng pagkaing mataas sa fiber tulad ng gulay, patola, okra, kangkong, prutas, brown rice, wheat bread, mani at iba pa.
Kapag maraming fiber tayong kinain, mas magiging malaman (may bulk) ang iyong dumi at madali itong mailabas. Minsan, isang irihan lang at lalabas na ang dumi. Dahil dito, mas hindi masusugat ang iyong almoranas o puwit.
Uminom din ng 8-12 basong tubig. Kailangan mo nang maraming tubig para hindi tumigas ang iyong dumi.
Huwag umasa sa gamot na pampadumi dahil lalo ka lang magtitibi pagkatapos ng epekto nito.
Isa pang tip: Huwag pigilin o ipitin ang paglabas ng dumi. Kapag pinipigil natin ang paglabas (tinitigas ang masel ng puwit) lalong kikipot ang lalabasan ng dumi at masusugatan lalo ang almoranas.
Ikalma ang sarili at subukang ilabas ang dumi ng isang pag-iri lang.
Magpatingin sa doktor (surgeon) para masiguro na almoranas ang problema.
- Latest