Sa Agosto 29 ay umpisa ng school year 2023-2024. At tiyak na sa unang araw ng pasukan ay lulutang na naman ang dati nang problema sa public school—ang kakulangan ng classroom. Ito ang problemang hindi na matapus-tapos at taun-taon ay lagi na lamang pinuproblema. Hindi pa nangyari na nagbukas ang klase na hindi nagkaproblema sa kakulangan ng silid-aralan. Marami nang namuno sa Department of Education (DepEd) pero ang problema sa kakulangan ng classroom ay hindi masolusyunan.
Mismong mga opisyales ng edukasyon ang nagsabi na ang classroom shortage sa nalalapit na pasukan ay mahigit 90,000.
Education officials earlier said the classroom shortage in the public school system could be as high as 90,000. Napakalaki ng kakulangan at maiimadyin kung saan magdaraos ng klase ang mga estudyante sa pampublikong eskuwelahan. Posibleng maulit na naman ang senaryo na magsasagawa ng klase sa ilalim ng punong mangga o acacia.
Mauulit ang tanawin na dahil sa kakulangan ng classroom ay sa lobby ng eskuwelahan magsasagawa ng klase o kaya’y ang comfort room ay iko-convert na classroom. Kaysa naman sa walang mapagdausan ng klase, pagtitiisan na ang mapanghing comfort room. Nangyari na ito sa mga nakaraang school opening.
Ayon sa inilabas na data ng DepEd, tinatayang 16.8 milyong estudyante na ang nakapag-enrol at madaragdagan pa habang papalapit ang school opening. Ayon pa sa DepEd, ang Calabarzon ang may pinakamataas na bilang ng enrollees, 2,858,606, sinundan ng National Capital Region, 2,220,470 at Central Luzon, 1,868,161.
Sinabi mismo ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte noong Enero na maraming gusali ng eskuwelahan ang kailangang kumpunihin at ang iba naman ay hindi na magagamit dahil sa sobrang kalumaan. Sa 327,851 public school buildings, 100,072 dito ang nangangailangan ng minor repairs, 89,252 ang major repairs at 21,727 ang kailangan nang gibain dahil sa kalumaan. Ito ang mga nakitang dahilan kaya may shortage ng classroom sa bansa.
Nakapagtataka naman kung bakit maliit lang ang budget para sa basic education facilities para sa susunod na taon gayung kailangan ito para masolusyunan ang problema sa classroom shortage. Ang proposed budget ay P33.7 billion lamang. Saan aabot ang halagang ito gayung maraming dapat itayo at kumpunihing school building?
Nararapat na bigyan nang mas malaking budget ang DepEd para malutas ang kakulangan sa classroom. Kung hindi, patuloy na magdaraos ng klase sa ilalim ng puno o sa kubeta.