EDITORYAL — Nahubaran ang mga silid-aralan

WALA nang dekorasyon sa lahat ng silid-aralan sa buong bansa. Ito ang kautusan ni Vice President at kasalukuyang Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte. Nakasaad sa ipinalabas niyang DepEd Order No. 21, series of 2023 na nag-uutos sa mga guro na tanggalin lahat ang mga nakadikit sa dingding ng classroom, walang nakasulat na alpabeto o abaka, walang picture ng mga presidente o mga bayani.

Maging ang pagkakaroon ng teacher’s cabinet sa mga silid ay mahigpit ding ipinagbabawal. Tanging teacher’s table na lamang ang makikita sa bawat classroom para maging mas malinis, maluwag at maaliwalas ang bawat silid.

Sa idinaos na Brigada Eskwela ng Vicente Duterte Elementary School sa Bansalan, Davao del Sur noong nakaraang linggo na dinaluhan ni Sara, siya mismo ang nagtanggal ng sarili niyang larawan sa isang classroom bilang bahagi ng kanyang direktiba.

“Tiyaking malinis at walang mga dekorasyon, tarpaulin o mga posters ang mga silid-aralan upang magkaroon ng focus ang ating mga mag-aaral sa kanilang mga leksyon. mula sa ating mga guro,” sabi ni Sara.

Sabi pa niya, kung ang mga guro ay kailangan ng visual aids, maaari nila itong gawin sa oras ng kanilang klase.

Maganda naman talaga kung malinis at maaliwalas ang silid-aralan. Pero hindi naman lahat nang nakadikit sa loob ng classroom ay nakakahadlang o nakaaagaw ng pansin sa mga mag-aaral. Halimbawa ay kung mga makabuluhang quotations o kasabihan ang nakapaskel sa classroom na maaring makadagdag sa kaalaman ng mga mag-aaral. Noon pa, karaniwan nang makikita sa silid-aralan ay mga kasabihan o kaisipan na sinabi ng mga bayani gaya ng “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda.” Wala namang masama kung panatilihin ang mga ganitong kasabihan.

Pabor kami kung ang aalisin sa loob ng classroom ay ang mga retrato ng Presidente o Bise Presidente at iba pang pulitiko. Kaya tama ang ginawa ni Sara na pag-aalis sa kanyang larawan sa isang classroom sa Davao del Sur.

Hindi naman sana sinama sa direktiba ang pagtanggal sa ABAKADA at English alphabet at mga salawikain o kasabihan. Malaki ang naitutulong ng mga ito lalo sa mga estudyante na nagsisimulang bumasa. Sana naisip ito ng Bise Presidente.

Show comments