Siguro, kung magkakaroon ng survey sa mga Pilipinong nagnenegosyo sa iba’t ibang panig ng mundo, hindi na nakakapagtaka ang malaki nilang bilang. Hindi na nakakagulat ang ibubunga kung lilikumin ang lahat ng mga ulat hinggil sa mga Pinoy na sumusubok at nagtatagumpay sa pagnenegosyo sa iba’t ibang bansa sa loob ng nagdaang mga dekada. Marami na ring mga overseas Filipino worker o kahit iyong mga migranteng Pinoy na permanente nang naninirahan sa ibayong-dagat na pumapasok sa larangan ng negosyo. Meron sa kanila na nagbibitiw sa kanilang trabaho para magpatakbo ng sarili nilang negosyo o kaya, kahit meron silang permanenteng trabaho, pumapasok sila sa pamumuhunan o pagnenegosyo para madagdagan ang kanilang kinikita. Karaniwan na ang puhunang nagagamit nila sa negosyo ay nagmula sa naiipon nilang pera na kanilang kinikita sa kanilang trabaho. May mga Pinoy din na kahit napakalaki ng sinusuweldo nila sa pinagtatrabahuhan nilang kumpanya, establisimiyento, ahensiya o ins-titusyon, iniiwan nila ito para makapagsolo sila at makapagpatayo at makapagpalago ng sarili nilang negosyo sa kinaroroonan nilang banyagang lupain. Ang iba namang mga OFW ay namumuhunan sa ilang negosyo sa Pilipinas habang nagtatrabaho sila sa ibang bansa.
Nagiging inspirasyon o halimbawa sila para sa ibang mga Pilipinong nagsisikap na mabuhay ng maayos at disente sa ibang bansa. Nagiging alternatibo para sa mga migran-teng Pilipino ang pagnenegosyo na dapat din sanang makapagpamulat sa mga kababayan nilang nandito sa Pilipinas na balak mangibang-bansa na ang pamumuhunan o negosyo ay isang magandang alternatibo o suporta sa kanilang kinikita sa pamamasukan.
Isang halimbawa si Myla Gatdula na pagkatapos ng dalawang dekadang pagtatrabaho bilang kasambahay sa bansang France, naisipan niyang pa-sukin ang pagnenegosyo. Ginamit niya ang talento niya sa pagluluto ng mga pagkaing Pinoy sa pagtatayo ng isang restawran sa Paris, France.
Napaulat kamakailan sa TFC na unang dumating si Myla sa France noong 2002 nang ipetisyon siya ng kanyang ina na nagtatrabaho noon sa Pa-ris. Ngayon nga, ginamit niya ang naipon niyang pera mula sa kanyang trabaho sa pagtatayo ng kanyang Lala’s Kitchen restaurant sa naturang bansa sa tulong ng kanyang business partner.
“So, nagdesisyon ako na magbukas ng ganito (restaurant) para sa ating mga kapwa Pilipino na gustong makakain ng Filipino foods,” sabi ni Gatdula sa isang ulat ng TFC. Aminado si Gatdula na hindi madali ang magsimula ng isang negosyo sa abroad, lalo na kung food business at restaurant pa ito.
Kailangan todo tutok daw sa menu at customer service para tumagal at lumaki ang kita. Sa tagal na raw niya sa Paris, nakita niya ang malaking potensyal ng Filipino food sa France dahil maraming Pilipino na ang naninirahan doon.
Sa kanyang restaurant na tinawag niyang Lala’s Kitchen, tila nasa Pilipinas ka lang. Sa labas maamoy ang katakam-takam na mga pagkaing Pilipino tulad ng kare-kare, sinigang, pinakbet at laing. Dinarayo pa raw ang kanilang lumpia, itlog na pula at ang bestseller nila ngayon dahil sa mainit na panahon, ang - halo-halo! Pumatok sa kanyang mga kababayang nasa Paris ang kanyang kainan.
Payo ni Gatdula, kung gustong pasukin ang pagnenegosyo, planuhing mabuti at huwag agad susuko kahit may mga hamon. Tulad niya, sulit daw ang dalawang dekadang pagtitiyaga at paghihintay niya.
Ang 44-anyos namang Pilipino na si Frando Sarmiento na ipinanganak at luma-king mahirap sa Occidental Mindoro dito sa Pilipinas ay kasaluku-yang nagmamay-ari ng maraming negosyo sa United Arab Emirates at maging sa Pilipinas. Matagal na niyang pinangarap na maging entrepreneur at naisakatuparan niya ang pangarap na ito sa bansang UAE. Kabilang sa mga negosyo niya ang isang auto service centre (Luxurion FF Auto Service Centre), isang provider of business law and special projects support (Human Endeavours) at isang pest control service (Red Scorpion Pest Control), electrical engineering services company at trading company. Sa isang ulat ng Gulf News, nabanggit niya na utang niya ang kanyang tagumpay sa kanyang mga magulang, sa mahuhusay niyang mga business partner at sa maka-negosyong klima sa UAE.
Nagtapos si Frando ng business management sa University of the Philippines-Los Banos. Noong Enero, 2005 bumiyahe siya patungo sa Dubai sa UAE para magtrabaho. Pansamantala lang ang mga una niyang trabaho roon hanggang noong Mayo 2005, naging territory sales manager siya ng isang German-based industrial company. Kumuha rin siya ng iba pang trabaho sa iba’t ibang kumpanya hanggang noong panahon ng pandemya, ipinasya niyang makipag-partner sa isang mabuting kaibigan sa pagsisimula ng una niyang negosyo sa UAE. “Laging nasa isip ko ang maging entrepreneur. Ipinasya kong gawin ito sa UAE,” wika niya sa Ingles sa Gulf News.
Ipinapayo naman ni Frando sa mga gustong magnegosyo na “Mas mainam na magsimula habang bata pa kayo. Ano man ang mangyari, sino man ay merong matututuhang malaki na mapapakinabangan niya sa maraming paraan. Habang bata pa tayo, hindi tayo takot magkamali. Marami pang natitirang oras para makabawi at matuto. Ito ang mga bagay na dapat kong sinabi sa sarili ko noong bata pa ako. Pero tulad ng sinasabi, hindi pa huli para simulang gawin ang gusto mo.”
* * * * * * * * * * * *
Email – rmb2012x@gmail.com