Kapag ang blood pressure n’yo ay lampas 140 over 90, marahil ay may high blood na kayo. Ngunit kapag kayo ay pagod, nagagalit o nag-eehersisyo, tataas din ang inyong presyon pero hindi ibig sabihin, high blood na kayo.
Ang tamang pagkuha ng blood pressure ay kung kayo ay nakapahinga at walang ginagawa.
Ano ang sintomas ng high blood?
Kadalasan ay walang nararamdaman ang mga may high blood. Kaya nga tinatawag na “silent killer” ang high blood pressure dahil nanganganib na pala ang buhay ng pasyente pero wala pang nararamdaman.
Pero may ilang tao ang nakararanas ng sintomas tulad ng pananakit ng batok, mabigat ang ulo at pagkahilo.
Narito ang first aid para sa mga na-high blood:
1. Siguraduhing tama ang pagkuha ng blood pressure. Kapag palagi itong mataas sa 140 over 90, ito ay nangangahulugang may high blood na kayo.
2. Paupuin muna ang pasyente ng 15 minuto. Sabihin sa kanya na huminga nang mabagal at malalim. Pagkatapos ay kuhanan muli ng blood pressure.
3. Kung may maintenance medicines ang pasyente para sa high blood pressure, ipainom ito sa kanya.
4. May dalawang pagkakataon kung kailan puwedeng bigyan ng karagdagang gamot ang pasyente: (1) Kapag ang blood pressure ay lampas sa 140/90 at may nararamdaman ang pasyente, at (2) kapag ang blood pressure ay lampas na sa 160/100.
5. Ang pangkaraniwang first aid medicine na ibinibigay para bumaba ang presyon ay ang (1) Clonidine (Brand name: Catapres) 75 mcg, isang tableta lamang o (2) Captopril 25 mg, isang tableta rin.
6. Tandaan na hindi lahat nang mataas ang presyon ay kailangang bigyan agad ng gamot sa high blood. Minsan ay kailangan lang ma-relax ang pasyente.
7. Depende sa kondisyon ng pasyente, puwede siyang dalhin sa emergency room ng ospital o ipakunsulta sa clinic ng doktor.
8.Maraming komplikasyon ang high blood pressure katulad ng stroke, pagkabulag, sakit sa bato at atake sa puso. Magpatingin sa doktor kapag ang inyong presyon ay lampas 140 over 90 para mabigyan kayo ng lunas.