NGAYON ang ikalimang linggo nang sunud-sunod na oil price hike. At masusundan pa raw ang mga pagtaas dahil sa ginawang pagbabawas sa produksiyon ng Saudi Arabia at pati Russia. Noong nakaraang linggo malaki ang dinagdag sa diesel na umabot sa mahigit P3. Ngayong araw na ito, ang gasoline naman ang hahataw, P1.65 ang dagdag bawat litro samantalang ang diesel ay P1.40 at P2.40 naman sa kerosene.
Ang sunud-sunod na oil price hike ang nag-udyok sa transport groups para humingi ng P2 dagdag pasahe sa dyipni. Mamamatay raw sa gutom ang pamilya ng mga jeepney driver kung hindi magkakaroon ng increase. Sa kasalukuyan, P12 ang minimum na pasahe sa jeepney. Wala na raw naiuuwing kita ang mga drayber sa maghapong pamamasada dahil sa mataas na presyo ng diesel.
Pinag-aaralan naman ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hinihinging dagdag pasahe sa jeepney. Makikipagdayalogo umano ang LTFRB sa transport groups. Una nang sinabi ng LTFRB na bibigyan ng ayuda ang mga drayber ng jeepney at traysikel.
Ang pinakamasakit ay ang hirit ng mga negosyante na makapagtaas ng presyo ng kanilang produkto. Hinihiling na maitaas ang presyo ng sardinas, noodles at pati tinapay. Wala namang sagot ukol dito ang Department of Trade and Industry (DTI) pero may mga report na may mga tindahan na nagtaas ng presyo. Ang presyo rin ng bigas, isda at pati gulay ay tumaas na rin sa ilang palengke.
Noong nakaraang buwan, nadagdagan ang minimum wage sa Metro Manila pero sa nangyayari ngayong pagtaas ng bilihin, walang saysay ang dinagdag sa minimum wage. Nasadlak pang lalo sa hirap ang mahihirap.
Ang sunud-sunod na oil price hike ang dahilan kaya mataas ang bilihin. May domino effect. Kapag tumaas ang gas, tataas ang pamasahe at kasunod ang pagtaas ng mga pangunahing pangangailangan.
Matagal nang iminumungkahi sa pamahalaan na suspendihin muna ang excise tax sa petroleum products para bumaba ang gasoline, diesel at kerosene. Nakasaad naman sa TRAIN Law na kapag naging $80 per barrel ang crude oil, puwede nang itigil ang pangungulekta ng tax sa petrolyo. Sa kasalukuyan, nasa $81 ang barrel ng crude oil sa world market.
Nasabi minsan ni President Marcos Jr. na ayaw niyang mahihirapan ang taumbayan, puwes, ipatigil niya ang paniningil sa excise tax para bumaba ang presyo ng produktong petrolyo. Ito ang pinakamadaling paraan para mapagaan ang pasanin ng mga Pilipino.