Pulis na naman. Wala na talagang katapusan. Anim na pulis Navotas ang dinisarmahan at kasalukuyang nasa restrictive custody sa Northern Police District headquarters sa Caloocan City. Kaugnay ito sa pamamaril nila at pagpatay kay Jerhode Jemboy Baltazar, 17, habang naghahandang mangisda kasama ang kaibigan.
Napagkamalan ng mga magagaling na pulis—Navotas finest siguro—na suspek sa pagpatay sa isang tao. Nagtago umano si Baltazar sa bangka. Kaya ang unang ginawa ng mga pulis nang nakitang may dalawang tao na nakasakay sa bangka, pinagbabaril.
Tumalon si Baltazar sa tubig. Sino ang hindi matatakot kapag binabaril ka na ng pulis, lalo na’t alam mong wala kang kasalanan? Pero kahit tumalon sa tubig ay pinagpatuloy ng mga pulis ang kanilang pagbaril kay Baltazar. Tinamaan sa mukha at tuluyang nalunod.
Walang tanung-tanong, hindi binigyan ng pagkakataong sumuko muna, walang kumpirmasyon kung sila ang hinahanap ng mga pulis. Basta’t bumunot ng mga baril at pinatay si Baltazar.
Kaya eto, oras na naman ng pagpapaliwanag ng PNP. May “operational lapses” daw na naganap sa bahagi ng mga pulis Navotas. Ilang beses ko nang narinig ang dahilan na iyan. Kung madalas nagaganap ang “operational lapses”, ibig sabihin walang itinuturo sa mga pulis na tamang operasyon.
“The PNP is sad and worried over these incidents involving our police officers. Nevertheless, the PNP leadership is continuously doing its best to correct the errors and inadequacies of our personnel on the ground,” ayon kay PNP public information chief Col. Redrico Maranan. “We do not tolerate wrongdoings of our police officers, whether these are intentional or accidental. Our disciplinary machinery is effective. Our records will [prove] that police officers who are found to have committed errors or abuses are penalized,” dagdag pa niya.
Inamin ng mga pulis ang kanilang pagkakamali pero hindi raw nila intensyon ang patayin si Baltazar. Ganun? Bakit may testigo umano na nagsabing tuluy-tuloy ang pagbaril nila sa tubig kung wala silang intensyong patayin si Baltazar?
Nag-warning shot eh bawal pala iyon ayon kay Police Captain Anthony Mondejar, chief of operations ng Navotas police. Sino ang hindi matatakot sa pulis kung ganyan ang kanilang pagkilos?
Kapag may naganap na krimen ay napakadaling mapagkamalan. Baril muna bago tanong. Walang pagkakataong magpakilala at sumuko. Kinumpirma na walang armas si Baltazar, pero sige, putok pa rin. Paano maibabalik ang tiwala ng publiko sa pulis kung ganito kadali mapatay?