Nabasa ko ang inyong editorial noong Agosto 1, 2023, na nagmumungkahing alisin na ang excise tax ng petroleum products upang mapababa ang presyo ng mga ito. Napakaganda ng inyong suhestiyon sapagkat tanging ito na nga lang ang solusyon sa walang humpay na pagtaas ng petroleum products particular ang diesel. Dati mas mababa ang presyo ng diesel pero ngayon ay mas mataas pa ito sa gasoline. Sa nangyayaring ito, lalong wala nang kinikita ang mga drayber ng pampublikong sasakyan gaya ng dyipni sapagkat ang ginagamit nila ay diesel. Kakarampot na nga ang kinikita nila ay lalo pang lumiit ngayon dahil sa linggu-linggong taas ng diesel. Ayon sa balita, mayroon na namang pagtaas sa susunod na Martes. Ito na ang panglimang sunud-sunod na pagtaas.
Sana naman ay makinig si President Bongbong Marcos Jr. sa hinaing nang nakararami na suspendihin ang excise tax ng petrolyo para bumaba ang presyo ng diesel, gasoline, kerosene at LPG. Ito na lamang ang tanging paraan para mabawasan ang nararanasang mabigat na pasanin sa buhay lalo ng mga mahihirap.
Kung magtutuluy-tuloy ang oil price hike, tiyak na hihingi ng increase sa pasahe ang mga operator ng pampasaherong dyipni. At walang ibang apektado kundi ang mamamayan. Kapag nagtaas ang pasahe, tataas din ang presyo ng mga basic na pangangailangan. Kawawa ang mga kakarampot ang kinikita. Paano sila mabubuhay sa sitwasyong ito.
Pakinggan ni BBM ang panawagan nang nakararami na alisin na ang buwis sa petroleum products. —Jose Malapote, Valenzuela City