MAHIGIT 80 katao ang dumagsa sa NBI-Cordillera noong Lunes at inireklamo sina Hector Aldwin Liao Pantollana at kapatid nitong si Hubert Amiel; magkapatid na Hazen at Hein Carreon Humilde, Mikaela Damasco Ty-Choi at Virginio Casupanan. Sila ang nasa likod ng Team Z casino junket scam.
Sa Baguio City pa lamang, 10,000 na ang biktima ng grupo at tinatayang P4 bilyong investment ang kanilang natangay. Ito ay sa Baguio pa lamang. Marami pang nalinlang ang Team Z sa maraming probinsiya at maging sa ibang bansa.
Noong nakaraang linggo, 12 investors mula Cebu City ang nagtungo sa Baguio City para ireklamo ang Team Z scammers. Inaasahang marami pa ang mga magsasampa ng reklamo laban sa Team Z.
Sa mga susunod na mga araw, tiyak na marami pa ang dadagsa sa NBI. Malakas na ang loob ng mga biktima na maghain ng reklamo sa magkapatid na Pantollana at Humilde at Ty-Choi.
Ang Team Z casino junket scam ang pinakamalaking iskandalong pinansyal sa Hilagang Luzon pagkatapos ng Satarah Wellness Marketing scam na umabot lamang ng P5 bilyon ang natangay.
Inaasahang lolobo pa ang perang nakulimbat ng Team Z sapagkat marami pang nabiktima sa National Capital Region (NCR) at nabatid ko rin na maraming naloko sa United States.
Isa-isa nang naglalabasan ang mga biktima para mabawi ang pera nilang ini-invest sa Team Z. Ayon sa mga nabiktima ng Team Z, pinaghirapan nilang ipunin ang perang ini-invest. Mayroong nangutang. Ang iba ay naipundar nila sa mahabang panahong pagbabanat ng buto. Mayroong OFWs na nagtrabaho nang matagal sa ibang bansa.
Ang higit na kawawa ay ang mga maliliit na investor. Gaya ng isang taga-Baguio na ini-invest ang kanyang pera na para sana sa pagpapagamot ng kanyang cancer. Sa kabila ng kanyang pakiusap sa Team Z na babawiin na ang kanyang pera para pampagamot, tinakot pa siya ng grupo. Ayon sa Team Z, kaya raw nilang bayaran ang hustisya. Abot langit ang pagsisisi ng biktima.
Mga naghihikahos sa buhay ang biktima ng Team Z scammers kaya nararapat lamang na maparusahan ang mga ito.
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com