‘Katas ng Saudi’: Dugo at pawis ng mga OFW
Tila niluma na ng panahon iyong signboard na madalas makita noong araw sa mga pampasaherong jeepney na may nakasulat na “Katas ng Saudi.” Nagamit pa nga itong titulo ng isang pelikula tungkol sa buhay ng isang overseas Filipino worker. Hindi malaman kung dekorasyon lang iyon o pagpapakita lang ng driver o operator ng jeepney na nagmula sa kanyang kinita sa pagtatrabaho sa Saudi Arabia ang ipinambili ng sasakyan o maaaring may iba pang kahulugan o dahilan o baka pakulo lang, pagpapatawa o gimik. Bihira na ngayong makakita ng signboard na ito sa mga jeepney sa hindi malamang kadahilanan. Maaaring paliwanag dito na marami na ring ibang bansang napapagtrabahuhan ng mga manggagawang Pilipino o baka nagsawa lang sa signboard na ito iyong mga drayber. Bagaman naging pangunahing destinasyon ng mga overseas Filipino worker ang Saudi Arabia noong araw lalo na noong dekada 70, dumagsa at dumami na rin nang dumami sa pagdaan ng mahabang panahon ang mga OFW sa ibang mga bansa sa Middle East at kahit sa ibang kontinente ng mundo.
Gayunman, kahit nagdagsaan na sa nagdaang mga dekada ang mga OFW sa ibang bahagi ng Middle East tulad sa United Arab Emirates, Qatar, Bahrain, Kuwait, Lebanon o kahit sa Europe, United States, Canada, Singapore, Hong Kong, Taiwan at iba pa, nananatiling hawak ng Saudi Arabia ang ranggo bilang pangunahing destinasyon ng mga migranteng manggagawang Pinoy. Hindi ito maikaila sa mga estadistika.
Ibinahagi nga ng Department of Migrant Workers sa isang ulat kamakailan ng Arab News na nananatili sa kasalukuyan ang Saudi Arabia sa matagal na nitong korona bilang bansang pinakapangunahing destinasyon ng mga OFW. Ikatlo ng kabuuang bilang ng bagong mga manggagawang Pilipino na umalis sa Pilipinas ngayong 2023 ay piniling magtrabaho sa Saudi Arabia. Mahigit 67,000 newly-hired OFW ang naipadala sa Saudi Arabia hanggang noong Mayo ng taong kasalukuyan. Sumunod ang UAE (16,000) at Hong Kong (13,000).
Nabatid sa datos ng Philippine Statistics Authority na, noong taong 2021, sa kabuuang bilang na 1.83 milyong OFW, 24.4 porsiyento ang nagtatrabaho sa Saudi Arabia. Kasunod ang UAE (14.4%). Ang iba pang bansang may napakaraming OFW ang: Hongkong (6.7%), Kuwait (5.9%), Singapore (5.8%), at Qatar (4.8%). Sabi nga ng PSA sa datos nito noong 2010, isa sa bawat limang OFW ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia. Nangunguna rin ang Saudi Arabia noong 2018 bilang paboritong destinasyon ng mga OFW. Noon ngang Hunyo ng taong ito ay napaulat na balak ng Saudi Arabia na kumuha ng isang milyong OFW sa mga susunod na buwan o taon.
Sinabi ng Philippine Employment Agencies and Associates for Corporate Employers in the Middle East na nagpalakas sa pangangailangan ng Saudi Arabia sa mga migranteng manggagawang Pilipino ang Saudi Vision 2030 economic diversification ng naturang bansa.
“Maraming kailangang skilled at domestic workers at professionals dahil sa Vision 2030 ng Saudi Arabia,” sabi sa wikang Ingles ni PEACEME President Arnold Mamaclay sa Arab News. “Inaasahang lolobo ang bilang dahil merong tinatawag nating special hiring program ng Department of Migrant Workers.”
Isa ring dahilan, ayon kay Maclay, ang mabilis na administrasyon sa Saudi Arabia na ang proseso sa pagkuha ng dayuhang manggagawa ay tumatagal nang 30 hanggang 45 araw kumpara sa tatlo hanggang apat na buwan sa ibang bansa.
Pero malaking bansa rin naman kasi ang Saudi Arabia. Mas malaki siya sa Middle East. Hindi katakataka ang malaking bilang ng mga OFW doon bukod sa mga katangiang nagugustuhan nila sa mga manggagawang Pilipino. Lubha ring mahigpit ang kultura at relihiyon sa Saudi Arabia tulad sa ibang mga bansang Arabo at nagkakaroon din ng mga isyu at kontrobersiya sa mga Pilipinong nagtatrabaho roon pero hindi ito nagiging dahilan para mabawasan o mapigilan nang ganap ang pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa naturang bansang Arabo.
Marami nang mga kuwento ng tagumpay ng OFW sa Saudi Arabia kahit marami na rin namang mga kuwento ng kabiguan. May mga umaasenso at merong umuuwi sa Pilipinas nang luhaan. Mahaba na ang listahan ng mga OFW na naglaan ng kanilang ‘dugo at pawis’ para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya. Hindi lang sa Saudi Arabia kundi pati na rin sa ibang mga bansang dinadagsa ng mga manggagawang Pilipino. Maaaring nagpaluma na sa salitang “Katas ng Saudi” ang katotohanang lumaki na rin ang bilang ng mga OFW sa ibang mga bansa sa mundo bagaman sinasalamin nito ang mga pagsasakripisyo, paghihirap, pagtitiis at pagtitiyaga ng maraming migranteng manggagawang Pilipino sa ibayong-dagat para sa kanilang mga mahal sa buhay na iniwan nila sa Pilipinas.
* * *
Email- [email protected]
- Latest