TILA dinadala ni President Bongbong Marcos Jr. ang bansa sa direksyon kontra ng nakaraang administrasyon. Natatandaan ninyo kung paano isinumpa ni dating President Duterte ang European Union (EU)? Sa unang pagkakataon, bumisita sa bansa ang European Commission President, Ursula von der Leyen, para talakayin ang maraming bagay at isyu.
Agad niyang sinabi na ang “iligal na paggamit ng puwersa ay hindi maaaring tiisin sa Indo-Pacific at sa Ukraine.”
Binatikos din niya ang “mga pinunong lumalabag sa mga pangunahing prinsipyo ng internasyonal na batas, tulad ng integridad at soberanya ng teritoryo,” partikular na binanggit ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine. Sinusuportahan ng EU ang Ukraine sa pagtatanggol nito ng bansa.
Habang kinukundena niya ang digmaan sa Ukraine, binanggit din niya ang iligal na paggamit ng puwersa sa rehiyon ng Indo-Pacific, habang hindi binabanggit ang China. Idiniin niya na sinusuportahan ng EU ang desisyon ng UN Arbitral Court noong 2016 na pabor sa Pilipinas at sinasabing ito ay ligal at may bisa.
Subukang sabihin iyon sa Beijing, na tumangging kilalanin ang desisyon, na sinuportahan pa ng nakaraang pangulo ng bansa. Natatandaan ba ang sinabing piraso ng papel lang ang desisyon na dapat itapon sa basurahan?
Iba ang sitwasyon ng mundo ngayon gawa ng digmaan sa Ukraine at ang mga isyung bumabagabag sa South China Sea. Ang Russia, na kamakailan lamang ay umatras sa “grain deal” na magpapatuloy sana sa suplay ng butil sa mundo, ay nagbanta na ituturing ang bawat barkong naglalayag sa Black Sea na nagdadala ng armas sa Ukraine kaya maaaring target ng kanilang hukbong karagatan.
Ngunit kamakailan lamang, may mga barkong tila hinamon ang bantang ito nang lumayag sa Black Sea at nagtungo sa Ukraine. Kabalintunaan nga na Africa ang pinakamalaking tumatanggap ng butil mula sa Ukraine gayon pa man maraming mga bansa sa Africa ang pinupuri at sinuportahan si Vladimir Putin. Ilang toneladang butil na ang sinira ng Russia sa pamamagitan ng pagiging target ng kanilang mga sandata.
Noong Martes, malaki ang itinaas ng presyo ng gasolina at diesel. Ito ay isa pang epekto ng digmaan ng Russia sa Ukraine. Nagpatupad ng price ceiling ang EU sa krudo ng Russia, bahagi nang maraming parusa na ipinataw nito sa Kremlin.
Malugod na tinatanggap ang pagbisita ni President Ursula von der Leyen ng European Union. Tinitiyak ko na ang bansa ay magkakaroon ng mas mahusay na ugnayan sa Union.
Nangako ang Union na “susuportahan ang Pilipinas sa larangan ng seguridad sa dagat sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon, pagsasagawa ng pagtatasa ng pagbabanta at pagbuo ng kapasidad ng pambansang CoastWatch center at Coast Guard.”
Sana nga. Mabuti na ang maraming kaibigan.