LUBHANG napakahalaga ng buwis dahil dito kinukuha ng pamahalaan, maging nasyonal man o lokal, ang kanilang pantustos sa mga serbisyong binibigay sa mamamayan.
Sa ating lungsod, ito ang ating ginagamit para sa epektibong paghahatid ng social services, pagtatayo ng mahalagang imprastraktura at pagpapatupad ng mga plano’t programa na lalo pang magpapaganda sa buhay ng QCitizens.
Ito ang dahilan kung bakit tuluy-tuloy ang paghihikayat natin sa QCitizens na magbayad ng tamang buwis at nasa oras dahil ito’y para sa kanila ring kapakanan.
Bilang pagkilala sa kanilang pagsunod sa obligasyon sa lokal na pamahalaan, may ibinibigay rin tayong reward sa QCitizens na nagbabayad ng buwis nang maaga.
Kamakailan lang, inaprubahan natin ang Ordinance No. SP-3179, S-2023, na nag-amyenda sa Section 12 (d), Article 7 ng Quezon City Revenue Code.
Sa Ordinansang ito, na-update ang discounts sa pagbabayad ng real property tax simula sa susunod na taon.
Sa bisa nito, mabibigyan ng 20 percent discount ang sinumang magbabayad ng buo ng basic real property tax at ng dagdag na tax na naiipon sa Special Education Fund (SEF) at Barangay Share para sa susunod na taxable year bago sumapit ang Disyembre 31.
Makatatanggap naman ng 10 percent discount ang magbabayad ng buo ng basic real property tax at ng dagdag na tax na naiipon sa SEF para sa kasalukuyang taon bago mag-Marso 31.
Sa mga hindi nakaaalam, isa ang Quezon City sa may pinakamababang RPT sa Metro Manila.
Para mapabilis ang pagbabayad, naglagay tayo ng 16 na Satellite Offices at sangay ng Treasurer’s Office sa iba’t ibang parte ng Quezon City.
Wala ring dapat ipag-alala ang QCitizens sa ibinabayad nilang buwis dahil napupunta ito sa tamang gastusin, patunay nito ang ikatlong sunod na “unqualified opinion” na ibinigay ng Commission on Audit sa ating lungsod.