EDITORYAL — Excise tax sa petrolyo alisin muna pansamantala

NGAYONG araw na ito ay magtataas na naman ang petroleum products. Ang diesel ay magtataas ng P3.50 at ang gasolina ay P2.10. May pagtaas din sa liquified petroleum gas (LPG) na aabot sa P4.00. Ito ang ikaapat na sunud-sunod na pagtaas ng petrolyo at ayon sa report, mayroon pang mga susunod na oil price hike dahil sa pagbabawas ng produksiyon ng Aramco, Saudi Arabia. Apektado rin ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ang tumitindi pang kaguluhan sa Ukraine.

Ang labis na nakapagtataka ay ang biglang pagsirit ng presyo ng diesel na ilang linggo nang nagtataas at tinalo na ang gasolina. Dati ang gasoline lamang ang tumataas at ang diesel ay mas mababa. Ngayon ay nabaliktad ang pangyayari dahil mas ma­taas ang diesel­ na karaniwang ginagamit ng mga pam­pasaherong sasakyan gaya ng jeepneys at buses. Linggu-linggo na ang pagtataas at ang balita, magpapatuloy pa ang serye ng pagtataas.

Dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel, hinihiling­ ng ilang­ transport groups na magkaroon ng fare increase. Wala na umanong naiuuwi sa pamilya ang mga driver ng jeepney dahil sa pagmahal ng diesel. Sa kasalukuyan, ang minimum na pasahe sa jeepney ay P12.00. Wala pa namang itinatakda ang samahan ng mga jeepney operators at drivers kung magkano ang kanilang hinihiling na increase.

Panawagan naman ng ibang lider ng transport groups na bigyan ng ayuda ang mga driver dahil sa sunud-sunod na oil price hike. Kung hindi raw ma­i­pagkakaloob ang hinihiling na fare increase, bigyan ng ayuda ang mga driver. Kawawa naman daw ang mga drayber na wala nang kinikita.

Marami ang apektado ng sunud-sunod na pagtaas ng petrolyo at kung magpapatuloy pa, lalong kawawa ang mga mahihirap. Tiyak na sa pagtataas kasabay ding tataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Pero mayroon namang magagawa ang pamahalaan para bumaba ang presyo ng petroleum products. Ito ay ang pagsuspende sa excise tax o buwis sa petrolyo. Kung ihihinto ang tax, bababa ang gaso­line at diesel.

Nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN Law) na awtomatikong suspendido­ ang tax sa petroleum products kapag umabot sa $80 ang bawat bariles ng langis. Sa kasalukuyan, $84 ang bawat bariles ng crude oil. Dapat nang suspendihin ang tax sapagkat lampas na sa takda ng TRAIN Law ang presyo ng krudo.

Pag-aralan ito ng pamahalaan. Suspendihin pansamantala ang excise tax at saka ibalik kapag bumaba na ang presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan. Ito lamang ang tanging remedyo para mabawasan ang pasanin ng mga nagdarahop na Pilipino.

Show comments