Isang araw makaraang lumubog ang MBCA Princess Aya sa Laguna de Bay na ikinamatay ng 30 pasahero, biglang nag-higpit ang Philippine Coast Guard (PCG) at isa-isa nang iniinspeksiyon ang mga bangkang bumibiyahe kung ang mga ito ay nasa tamang kapasidad ang mga pasahero. Bigla ring nagkaroon ng life jacket ang mga pasahero. Hindi na basta-basta makakaalis ang mga bangka hangga’t hindi isinasaayos ang mga manipesto ng mga pasahero.
Kung ganito sana ang ginawa ng PCG, hindi sana nangyari ang malagim na trahedya ng MBCA Princess Aya. Pero dahil nagpabaya ang PCG, maraming namatay. Hanggang sa sinusulat ang editorial na ito, marami pang hinahanap. Nahihirapang sisirin ang pinaglubugan ng bangka dahil malabo ang tubig.
Lumubog ang Princess Aya noong Huwebes habang patungo sa Talim Island. Pero hindi pa ito ganap na nakakalayo sa Binangonan Port, hinampas ito nang malakas na hangin. Naipon ang mga pasahero sa isang side. Nang maputol ang katig ng bangka, nagsimula na itong lumubog. Nagsigawan na ang mga pasahero. Hindi sila makalabas sa lona na nakatakip sa magkabilang gilid ng bangka.
Overloaded ang bangka. Bukod sa mga pasahero, may mga karga ring mga sako ng bigas at mga motorsiklo. Ang nakapanggigigil, sobra-sobra sa bilang ang mga pasahero na umabot sa 70. Ayon sa lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office (DRMMO), 22 tao lang ang capacity ng bangka.
Ayon sa mga nakaligtas, pasakay nang pasakay umano ng pasahero ang kapitan ng bangka. Ilang beses umanong bumalik sa port ang bangka para magpasakay.
Wala naman umanong mga miyembro ng Coast Guard na nagtse-tsek ng bangka kung ito ay overloaded na sa pasahero at iba pang mga gamit.
Naghihigpit na ang Coast Guard ngayon sa nasabing lugar. Tamang dami ng pasahero lamang ang pinapayagang makaalis. Nagbigay na rin ng life jackets sa mga pasahero.
Ganito naman ang karaniwang ginagawa kapag nagyari na ang trahedya sa karagatan. Maghihigpit nang todo ang PCG. Pero makalipas lamang ang isang buwan, balik na naman sa dating gawi ang PCG at pinababayaan ang mga pamasaherong bangka.
Kailan matututo ang mga awtoridad? Marami nang nangyaring trahedya pero wala pa ring leksiyon. Patuloy ang pagpapabaya at marahil ng korapsiyon. Posibleng nasusuhulan ng may-ari ng bangka ang mga awtoridad para makapagsakay ng pasahero. Nararapat imbestigahan ang pangyayaring ito.