Ang piitan, sabi nila ay isang lugar para ireporma ang mga kriminal at bigyan ng pagkakataong magbago. Reformatory institution kung baga. May mga bilanggo rin naman na nagbabago at nagbabalik loob sa Diyos dahil may mga nakakilala sa loob ng bilangguan sa Panginoog Diyos at nagpasimula ng mga ministeryo tulad ng pag-aaral ng Salita ng Diyos.
Pero nakalulungkot na nakahihigit pa rin ang kasamaan sa loob ng bilangguan. Yung mga drug lords na nakapiit ay patuloy pa rin sa kanilang ilegal na negosyo. Sa pamamagitan ng kanilang kayamanan ay nabibigyan sila ng pribilehiyo na lihim na makalabas pero bumabalik din para disimulado ang kanilang special treatment. Noon ngang araw, nabuking na may laboratoryong nagluluto ng shabu sa loob mismo ng New Bilibid Prisons.
May mga nagaganap pa ring riot ng mga gang sa loob. May mga hired killers din na sa utos ng mga impluwensyal na tao ay puwedeng iligpit ang mga bilanggo na nais nilang ipapatay. Sa halip na reformatory, ang bilangguan ay nagiging “deformatory” o lalong nagwawasak sa karakter ng isang tao. Nakamamangha na kahit sila ay nasa loob, napagagalaw pa rin ng ilang VIP as in very important prisoners ang kanilang impluwensya at pera.
Kamakailan, bumulaga ang balita na isang bilanggo ang biglang nawala at nang matagpuan ay patay na sa loob ng poso negro. Malamang, biktima ito ng hired killer na inupahan nang malaking halaga para siya patayin. Puwede rin namang pinatay siya dahil nakatuwaan lang ng ibang presong uhaw sa dugo. Kapag isa kang bilanggo, dapat marunong kang sumayaw sa tugtog sa oblo. Ibig sabihin, makisama ka at kung hindi ay masama ang iyong kah hinatnan.
Hindi lang iyan ang unang kaso ng pagpatay sa loob ng bilibid. Peligroso talagang masentensiyahang makulong sa Munti dahil sa ganyang pangyayari. Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, naniniwala siya na marami pang “mass grave” ang posibleng matagpuan sa Bilibid. Aniya, ito ay malamang matagpuan sa maximum security compound ng bilangguan.
Kung hindi mababago ang sistema, kawawa naman ang mga bilanggo lalu na yaong mga nasentensyahan kahit hindi totoong nagkasala. Kung gagampanan lang nang maayos ng mga prisons officials ang tungkulin nila at hindi makikipagkutsaba sa mga influencial prisoners, hindi mangyayari ang ganyan. Naniniwala ako na puwedeng maging reformatory institution ang bilangguan. Kaya nga kahit habambuhay pa ang sentensiya sa bilanggo, kung makikitaan ng mabuting pagbabago ay nabibigyan ng parole. Ang dapat lang ay ayusin ang sistema.