EDITORYAL - Bangis ng leptospirosis
TUMATAAS ang kaso ng leptospirosis. Mas maraming kaso ngayon kumpara noong nakaraang taon. Ayon sa Department of Health (DOH), nakapagtala na ng 1, 582 na kaso noong nakaraang buwan. Noong nakaraang taon, nakapagtala ng 920 na kaso sa kaparehong buwan. Ayon pa rin sa DOH, nakapagtala na ng 161 na namatay dahil sa sakit. Mataas ito kumpara noong nakaraang taon na 135 na namatay. Pinakamataas ang kaso sa Western Visayas, sumunod ang Cagayan Valley at Davao. Ngayong nanalasa ang Bagyong Egay, posibleng tumaas pa ang kaso sa mga nasalantang lugar.
Ang baha ay lagi nang konektado sa leptospirosis. Ngayong panahon ng tag-ulan laging may pagbaha. Sa Metro Manila, karaniwan na ang pagbaha at nakaamba ang panganib ng leptospirosis. Kapag marumi ang paligid, maraming daga at ang mga ito ang karaniwang pinanggagalingan ng virus na leptospira. Humahalo sa baha ang ihi ng daga at kapag ang taong may sugat sa paa at binti ay lumusong sa baha, dito papasok ang virus. Ayon sa DOH, hindi lamang sa ihi ng daga nagmumula ang leptospirosis kundi maging sa iba pang hayop.
Kapag pumasok ang virus sa binti at paa, lilitaw ang mga sintomas ng leptospirosis. Makararanas ng lagnat, panginginig ng katawan, pananakit ng binti, kalamnan, at kasu-kasuan, pamumula ng mga mata, paninilaw ng balat, pananakit ng ulo, kulay tsa na ihi at kaunti ang iniihi.
Karamihan sa mga nagkaka-leptospirosis ay mga bata na madalas magtampisaw sa baha. Sa mga kalsada sa Merto Manila karaniwan nang makakakita ng mga batang nakalublob sa bahang kalsada. Mayroon ding dumadayb sa estero. Walang pakialam ang mga bata habang naglulunoy sa baha na kontaminado ng halo-halong ihi ng hayop.
Payo ng DOH, kung lulusong sa baha, magsuot ng bota. Kung may sugat sa paa, huwag nang tangkaing lumusong sapagkat malaking problema ang kahaharapin. Hindi biro ang leptospirosis.
Magtulung-tulong ang mamamayan sa paglipol sa mga daga na naghahatid ng leptospirosis. Ang unang hakbang ay ang pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran at sa loob ng bahay. Kung malinis at nasa ayos ang pagtatapon ng mga basura, tiyak na walang daga. Hindi nabubuhay ang mga daga sa malinis na lugar. Inaasahan naman ang maigting na kampanya ng DOH laban sa leptospirosis. Nararapat maimulat ang mamamayan para hindi mapahamak sa nakamamatay na sakit. Huwag balewalain ang sakit na ito. Kumunsulta agad sa doktor sa unang senyales ng leptospirosis.
- Latest