Anong titirhan ng spaceman kapag nakolonya ang Moon?

SAAN titira ang tao kapag nakolonya ang Moon at Mars? Batay sa sci-fi movies, sa mga kumikislap na domes at quonset huts na gawa sa bakal. Pero magastos at mahirap hakutin ang metal mula sa Earth patungo sa mga kapit-planeta at celestial bodies.

May sagot sina aerospace engineers Raymond Martin ng rocket maker Blue Origin at Haym Benaroya ng Rutgers University. Ang moon base na prinisinta nila sa Acta Astronautica ay mga higanteng kuweba.

Ito’y mga malalapad at mahahabang tunnels ng lava na nabuo mula sa pagsabog ng init sa loob ng Moon at Mars. Tulad ito ng lava tunnels sa Earth. Kaya nito salagin ang solar radiation at micrometeorites na naglipana doon dahil walang atmosphere at magnetic field na tulad ng sa Earth. Inulat ito sa Economist Magazine.

Nabubuo ang lava tunnels sa Earth kapag lumamig at tumigas na ang flow mula sa bulkan. Napoporma ang kuweba na 15 metro ang lapad at ilang kilometro ang haba. Pero dahil mahina ang gravity sa Moon, mas malalapad ang lava tunnels, hanggang isang kilometro, at daang-kilometro ang haba. Mahigit 10 metro ang kapal ng bubong.

Ipi-pressurize ang mga piling bahagi ng lava tunnels. Ito’y para hindi na kailangan mag-space suits sa loob ang tao. Haharangan ang magkabilang dulo ng inflatables. Papasakan ang mga singaw sa bubong.

Isipin kung paano nabuhay nang 2.5 milyong taon ang mga sinaunang cavemen. Tinirhan nila ang Tabon Caves sa Palawan nu’ng 47,000 B.C. at Niah Caves sa Sarawak 40,000 B.C. May mga seksiyon ng yungib na lutuan, kainan, tulugan. May mga inukit na larawan sa pader. May mga simpleng kagamitan. Mula ru’n ay naging moderno ang tao.

Mababaon ng tao ang sinaunang kaalaman para tumira sa Moon at Mars. High-tech na ang mga kagamitan.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments