Bakit may mga pulis pang gumagawa ng kasamaan?
Nabasa ko sa inyong pahayagan kamakailan na mataas na pala ang suweldo ng mga pulis dahil tinaasan sila ng suweldo ni dating President Rodrigo Duterte. Imagine ang suweldo pala ng Patrolman ngayon ay P30,000 isang buwan. Malaki na ito para sa mababang ranggo.
Pero sa kabila na tinaasan sila ng suweldo, nagagawa pa ng ilang pulis na gumawa ng kasamaan. Nasaan naman ang konsensiya nila na pagkatapos taasan ng suweldo ay gumagawa pa ng masama na nagpapababa sa image ng PNP. Dahil sa ginagawa ng mga pulis, tuluyang nasisira ang pagkilala ng taumbayan sa kanila at ang resulta, iniiwasan sila na parang may sakit na nakahahawa.
Sa totoo lang po, kapag nakakita ako ng asul na uniporme ng pulis ay nakadarama ako ng takot. Masama na ang dating ng asul na uniporme na sa halip magprotekta sa mamamayan sa oras ng panganib ay ang mga ito pa ang naghuhulog sa kumunoy ng kapahamakan.
Nasabi ko ang mga ganito dahil sa balitang nabasa ko sa inyong pahayagan na limang pulis mula sa Manila Police District ang nangikil ng P40,000 sa may-ari ng computer shop sa Sampaloc, Manila. Bukod sa pangingikil, nilimas pa ng mga pulis ang laman ng kaha ng shop. Sinira rin nila ang CCTV ng shop para walang ebidensiya.
Sa halagang P40,000 ay sinira ng mga pulis ang kanilang reputasyon. Sinira nila ang imahe ng PNP.
Bakit may mga masasamang pulis sa kabila na ipinagkaloob na sa kanila ang mataas na sahod.— Oscar Labayois, V. G. Cruz St. Sampaloc, Manila
- Latest