Para malaman ang mga posibleng dahilan ng pananakit ng tiyan, heto ang mga itanong sa pasyente. Una, nasaang parte ng tiyan ang masakit? Pangalawa, ano pa ang ibang nararamdaman?
Alamin natin ang mga posibleng sanhi ng sakit ng tiyan:
1. Ulcer o hyperacidity – Kapag ang pananakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa gitna, o medyo kaliwa, ito ang lugar ng sikmura. Posibleng ulcer o hyperacidity ang iyong sakit. Ang sakit na ito ay nararamdaman kapag ika’y gutom o kahit bagong kain. Nababawasan ang sakit kapag kumain ka ng saging o tinapay. Uminom din ng maraming tubig.
2. Gallbladder stones – Kapag ang sakit ay nasa itaas ng tiyan at nasa kanan, ito ang puwesto ng gallbladder o apdo. Posibleng may bato ka sa apdo. Minsan ang sakit na ito ay tumutugon din sa bandang taas ng likod. Dumarating din ang sakit kapag nakakakain ka ng mamantika at matataba na pagkain. Magpa-ultrasound ng tiyan para malaman kung may bato ka o wala.
3. Appendicitis – Kapag nasa ibaba at kanan na lugar, ito ang lugar ng appendix. Ang sakit ng appendicitis ay nag-uumpisa sa may sikmura at pagkaraan ng 2-3 araw ay lumilipat sa kanan. Masakit ang lugar na ito kapag dinidiinan. Kumonsulta agad sa doktor.
4. Colic – Kapag paikut-ikot ang sakit at walang permanenteng lugar, ito ay marahil sa paghilab ng bituka. Ang tawag dito ay colic at hindi naman delikado. Baka nasira ang iyong tiyan sa maruming pagkain at magtatae ka lang.
5. Gastroenteritis – Kung mahilab ang iyong tiyan at nagtatae ka, ito ay malamang dahil sa gastroenteritis o impeksiyon na nakuha sa panis o maruming pagkain. Uminom ng maraming tubig at kumain ng saging.
6. Amebiasis – Kapag madalas kang dumumi at may bahid ito ng sipon at dugo, posibleng amebiasis ito. Uminom ng gamot.
7. Kidney infection or stones – Kapag sa may puson ang sumasakit at mahapdi ang iyong pag-ihi, posibleng may impeksyon ka sa ihi o may bato sa bato (kidney stones). Tingnan din kung mapula ang ihi dahil senyales ito ng bato. Magpa-check ng urinalysis para malaman ang sakit.
8. Sakit sa matris o obaryo – Kapag ika’y babae at sa may puson ang sakit, posibleng nasa obaryo at matris ang iyong problema. Puwede itong dysmennorhea (sakit kapag malapit na ang regla), ovarian cyst (bukol sa obaryo) o myoma.
Huwag matakot kumunsulta sa doktor para sa problema mo sa tiyan. Gastroenterologist, internist o surgeon ang dapat mong puntahan.