EDITORYAL - Pangamba sa Maharlika
Maraming tutol sa Maharlika Investment Fund. Numero unong dahilan nang pagtutol dito nang nakararami ay maaaring pag-ugatan ng korapsiyon. Posibleng makurakot ang pondo at mauwi lamang ito sa wala. Inihalintulad ang nangyari sa 1Malaysia Development Berhad (1MDB) na bumagsak dahil kinurakot ng mga opisyales ang pondo. Kabutihan sa Malaysia, may mga nakulong na opisyales ng 1MDB na nagnakaw ng pondo. Kung dito mangyayari sa Pilipinas ang nangyari sa Malaysia, tiyak na walang makukulong. Maraming opisyales na sangkot sa korapsiyon ang hindi napaparusahan sa kabila na maraming kinulimbat. Marami ang napapawalang-sala at balewala ang lahat. Ang naiwang nakanganga ay ang mamamayang kumakalam ang sikmura.
Ang mga sigaw nang pagtutol sa Maharlika Investment Fund ay hindi nangyari. Pumasok sa kanang taynga at walang anumang lumabas sa kaliwa. Walang kahirap-hirap na nakalusot sa Kongreso at sinertipikahan pang “urgent” ni President Ferdinand Marcos Jr. Sa isang iglap, naging batas ang Maharlika Investment Fund Act of 2023 o Republic Act 11953. Nilagdaan ito ni Marcos noong Martes. Layunin sa pagtatatag ng Maharlika na suportahan ang mga hangarin ng pamahalaan para sa pagpapayabong ng ekonomiya. Sa pamamagitan nito, uunlad ang kabuhayan ng bansa at makikinabang ang mamamayan. Sa ilalim ng batas, bibigyan ng kapasidad ang gobyerno na mamuhunan sa mga mahahalagang proyekto tulad ng agrikultura, imprastruktura, at maraming iba pa.
Manggagaling ang pondo ng Maharlika sa Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corp.
Nang unang sumingaw ang panukalang Maharlika noong nakaraang taon at kasama sa pagkukunan ng pondo ang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS), maraming pensioner ang nangamba na matuyuan ang pension funds. Paano na ang kanilang pinaghirapang pera na inaasahan sa pagtanda? Ganunman, hindi na ibinilang ang SSS at GSIS sa pagkukunan ng pondo. Subalit puwede pa rin daw mag-invest ng pera ang dalawang pension funds kung nanaisin ng mga ito.
Wala nang magagawa ang mga tutol sa Maharlika sapagkat batas na. Ang magagawa na lamang nang nakararami ay maging mapagmatyag sa operasyon ng Maharlika. Subaybayan ang paggalaw nito. Kahit pa sinabi ng Presidente na walang mangyayaring pagnanakaw sa pondo, mas makabubuti pa rin ang magbantay sa investment fund. Nararapat na maging mulat ang lahat.
- Latest