Maharlika Law nakalusot din
Sa kabila ng pagtutol nang maraming sektor sa pagsasabatas ng Maharlika Investment Law (MIL) o Republic Act 11954, ganap na itong batas matapos lagdaan kamakalawa ni Presidente Bongbong Marcos. Gaano man katindi ang pagtutol natin sa batas, wala na tayong magagawa kundi pagtiwalaan ang pamahalaan na hindi ito magagamit sa katiwalian ng ilang sakim na nasa kapangyarihan. Maging mapagmasid na lang tayo sa bawat galaw ng pamahalaan at huwag matakot pumuna kung may napupuna tayong mali sa paggamit ng gobyerno sa pondo. Diyan pumapasok ang mahalagang papel ng mass media na nagsisilbing taynga at mata ng mamamayan.
Walang tiwala ang marami nang ito ay ipinapanukala pa lamang dahil may mga bansang naglunsad ng katulad na programa na kalaunan ay bumagsak dahil sa talamak na katiwalian ng mga opisyal na naitalagang mangasiwa dito. Lalong nagduda ang ilang kababayan natin dahil sa una’y binalak na isali ang pondo ng GSIS at SSS sa pinaplanong investment plan. Kaya nga inalis ang probisyong ito pero, malaya naman daw maglagak ng pondo ang GSIS at SSS sa MIL bilang puhunan kung gugustuhin nito. Sabi nga, so many was to skin the cat!
Para kay Presidente Marcos, ito’y napakahalagang lehislasyon sa pagsusulong niya nang mabilis sa mga proyektong pangkaunlaran sa kapakanan ng bansa. Sana nga, humantong ito sa pambansang kaunlaran at hindi “pambulsang kaunlaran” ng ilang tiwali na nasa kapangyarihan. Masisisi ba ang mamamayan sa kanilang kawalan ng tiwala gayung ang problema sa korapsyon ng bansa ay matindi pa rin?
Pero gaya nang nasabi ko na, pirmado na ito ng Presidente. Katunayan, naunang sinertipikahang urgent bill ito ng Presidente kaya naging mabilis ang pagsasabatas nito ng dalawang kamara ng Kongreso. Para kasi sa Presidente, ito ay importanteng instrumento sa pagpapalakas at pagpapatatag ng ekonomiya.
Tinuran ni Marcos ang napakalaking setback na dinanas ng bansa sa ekonomiya matapos manalasa ang COVID-19 at dahil dito’y kailangang pasiglahin at patatagin ang ekonomiya. Anang Presidente, ang MIL ay may kakayahang mamuhunan sa iba’t ibang field of investment gaya ng imprastruktura, agrikultura, digitalization at iba pang mahigpit na pangangailangan ng ating bansa sa pag-unlad.
- Latest