E-sabong operators binabalahura si BBM

SA kabila ng mahigpit na tagubilin ni President Bongbong Marcos kontra e-sabong,  nananatiling sinasaway ito ng mga illegal operators.

Sino ang mga nasa likod ng operasyon ng Sabong World Wide (SWW), Global Tambayan Live (GTL) at Solid 420, na animo’y mas makapangyarihan pa sa pinunong halal ng bansa?

Ang SSW ay ang bagong WPC, Go Perya at Asian Cockfighting, ayon pa sa pagmamayabang nito sa sa­bongworldwide.ph.

Mga imbestigador ng PAGCOR at mga law enforcement agencies na lang din kaya ang hindi pa nakakahagip sa GTL at Solid 420 sa web patrolling at surveillance operations?

Buong tapang pang inuumang ng SSW, GTL at Solid 420 na may basbas daw sila ng Philippine Amusements and Gaming Corporation (PAGCOR) upang maka-eng­ganyo sa mga mananaya.

Kung totoo namang walang basbas ang PAGCOR, nararapat na gumawa na sila ng hakbang upang sawatain ang mga iligal na operasyon ng e-sabong sa buong bansa tulad ng pag-take down sa mga ginagamit na websites at raid sa mga iligal cockpit studios na nakakubli sa loob ng mga sabungan.

Karamihang namamataan ang mga iligal na e-sabong ng SSW, GTL at Solid 420 sa Batangas, Bataan, Cavite, Pampanga at iba pang probinsya sa Luzon.

Lubos ang hinagpis ng mga negosyanteng dumaan sa proseso ng PAGCOR at naglagak ng hindi birong halaga.

Sa katunayan,  aabot sa P100 milyon ang lisensya, bonds at iba pa na naayon sa itinatalaga ng batas.

Walong korporasyon lamang ang pinayagan ng PAGCOR na magpa-e-sabong sa bansa bago pa man ito ipinahinto ng administrasyong Duterte.

Malinaw mula sa PAGCOR na wala sa listahan ang SSW, GTL at Solid 420.

Ngunit bakit nagpapatuloy sila sa kanilang operasyon?

***

 

Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com

Show comments