Limang pulis-Maynila na naka-assigned sa District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) ang ninakawan ang isang computer shop sa Bgy. 525 Sampaloc, Maynila. Bukod sa pagnanakaw, kinikilan pa ang may-ari ng shop. Dumating ang limang pulis sa shop sakay ng isang kotse at kasunod nito ang apat pang naka-motorsiklo. Pinasok ng mga ito ang shop at hinanap ang may-ari. Sinabihan ito na nagpapa-online sugal ang naturang computer shop. Agad hiningan ng P40,000 ang may ari na si Hermigildo dela Cruz upang makaiwas sa asunto.
Itinanggi ni Cruz na may nagaganap na pasugal sa kanyang computer shop. Pero wala siyang nagawa kundi magbigay ng P40,000. Ang pera ay pang-tuition sana ng apo niya. Pagkatapos makuha ang pera ay naghalughog pa ang limang pulis sa bahay. Hindi pa nakontento, nilimas ang pera sa kaha. At bago umalis ang mga ito, sinabihan si Dela Cruz na magbigay ng P4,000 linggu-linggo upang hindi na sila guluhin.
Sabi ni Manila Police District director BGen. Andre Dizon, walang koordinasyon sa matataas na opisyal ng MPD ang limang pulis, maski search warrant ay walang dala. Sinira rin ng mga ito ang CCTV. Tinutugis na ang limang pulis na nakilalang sina SSg. Ryann Paculan, Ssg Jan Erwin Isaac, Cpl. Jon Dabucol, Pat. Jhon Lester Pagar at Pat. Jeremiah Pascual. Kasama rin sa hinahanap ang asset nilang babae na si Menay Santos. Sinibak naman sa puwesto ang hepe ng DPIOU na si Capt. Rufino Casagang.
Kulang pa ba ang sahod ng mga pulis kaya gumagawa pa ng kasamaan?. Kawawa naman ang mga matitinong pulis na nadadamay sa ginagawa ng mga bugok na ito. Kung magpapatuloy ang gawain ng mga scalawags na pulis, lalong bubulusok ang imahe ng Philippine National Police. Sana mahuli na ang limang mandarambong na pulis.