Kalupitang dapat parusahan

AKO ay kilala bilang tagapagtaguyod ng pagliligtas at pag-aampon ng mga hayop. Ilang taon na akong ganyan. Kaya nang mabasa ko ang tungkol sa security guard ng kilalang mall, na nakita at nakunan ng video na hinahagis ang isang tuta mula sa isang foot bridge sa Quezon City upang itaboy ang mga kabataan, hindi ko napigilan ang labis na galit. Napakaraming kaisipan ang pumasok sa aking ulo, marami ang hindi ko masasabi rito. Sapat na para sabihing wala akong magandang salita para sa malupit na security guard. 

Naganap ang krimen noong Martes, nang makita si Jojo Malecdem, security guard na naka-duty sa SM North Edsa na kinuha ang tuta mula sa mga kabataan at itinapon ito mula sa tulay. Ang tuta ay isinugod sa isang beterinaryo ngunit patay na nang dumating doon.

Dahil may mga testigo at video, ginawa ng social media ang bahagi nito. Mabilis kumalat ang galit ng netizens. Ma­bilis din ang reaksyon ng SM North Edsa na naghangad na dumistansya sa krimen dahil ang tinutukoy na guwardiya­ ay kinuha sa isang ahensya. Ang SM ay isang pet-friendly na mall kung tutuusin. Mariin nilang kinondena ang ginawa at tinawag ang atensiyon ng security agency na nag-empleyo ng guwardiya.

 Mabilis ding gumawa ng damage control ang security agency, sinibak ang guwardiya at nangakong maglulunsad ng imbestigasyon. Ngunit higit pa sa imbestigasyon at pag­sibak ang nais ng mga netizen. Gusto nilang gumulong ang ulo ng guwardiya.

 Ayon sa Seksyon 6 ng Animal Welfare Act of 1998, “ipinagbabawal sa sinumang tao na pahirapan at pabayaan ang anumang hayop. Nararapat itong bigyan ng sapat na pangangalaga at tirahan.”

Ang paghagis ng tuta mula sa foot bridge ay malinaw na paglabag sa nasabing seksyon. Nakasaad sa Seksyon 9 ang parusang “Pagkakulong ng 1 taon at anim na buwan at 1 araw hanggang dalawang taon at/o multang hindi hihigit sa P100,000 kung ang hayop na sumailalim sa kalupitan, pagmamaltrato o pagpapabaya ay namatay.”

 Maglulunsad ng sariling imbestigasyon ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa insidente. Nangako ang isang animal welfare group na magsasampa ng kasong animal cruelty laban sa guwardiya. Umaasa ako na ang taong ito ay napagtanto na ngayon ang kasamaan ng kanyang kilos, at mapaparusahan nang ayon sa batas. Malinaw kung sino ang tunay na hayop. Magsilbing babala sa lahat ang pagiging malupit sa hayop na magdalawang-isip.

Show comments