KINIKILALA natin ang karapatan ng bawat Persons with Disability (PWD) na maitala at magkaroon ng PWD ID upang makamit ang pribilehiyo at insentibo para sa sektor.
Kaya tuluy-tuloy rin ang ating paglilinis sa listahan ng mga rehistradong PWD sa lungsod, na noong bago pa tayo maupo bilang mayor ay dumami nang husto at inabuso ang paggamit. Kabilang dito ang pagbibigay ng mga pekeng ID at medical certificate, at palakasan system sa pag-isyu ng PWD ID kahit wala namang disability.
Maraming beses na akong nakatanggap ng reklamo na may mga indibidwal na gumagamit ng PWD ID sa kanilang mga transaksyon para makakuha ng diskwento, kahit hindi sila lehitimong PWD.
Nakalulungkot at nakaaalarma ito kaya sinimulan natin ang automation ng registration ng PWD ID, ang kauna-unahang LGU sa bansa na gumamit ng makabagong teknolohiya para malinis at maayos na listahan ang hanay ng PWDs sa QC at mapadali ring i-access ng aplikasyon. Nagkaroon din tayo ng PDAO desk sa mga district offices para hindi na kailangang dumayo sa city hall. May doktor pang naka-duty sa punong tanggapan ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) para sa nangangailangan ng medical certificate, o kaya naman ay nagbibigay tayo ng referral sa ating mga ospital para libre nila itong makukuha.
Bago mag-pandemic, nasa 78,000 ang may hawak ng PWD ID at ngayon, nasa 52,385 na lamang ito matapos ang automation.
Sa 7,000 rejected application naman, natuklasan na mayroong peke ang medical certificate o hindi kuwalipikadong PWD.
Bago pa ang pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation Awareness Week, nagsagawa rin ang pamahalaang lungsod katuwang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kauna-unahan nitong General Assembly.
Naisakatuparan ang General Assembly, 12 taon matapos maipasa ang City Ordinance No 2085, S-2011, na nag-uutos ng pagsasagawa ng nasabing pagtitipon.
Sa nasabing pagtitipon, nagkaroon ng pagkakataon ang PWDs na maipahayag ang kanilang opinyon, karanasan, at pangangailangan, na kailangang isaalang-alang para sa pagbuo ng mga programa at serbisyo para sa kanilang sektor.
Naganap din sa General Assembly ang pag-nominate ng pinuno ng PDAO, na dapat ay magmumula sa hanay ng PWD upang masiguro ang tunay na representasyon at mangibabaw ang boses ng PWD sector.
Bukod sa mga regular na programa ng PDAO, may iba pang mga nakalinyang programa ang lungsod para sa Persons with Disabilities. Kabilang dito ang Pangkabuhayan QC, Tindahan ni Ate Joy for Solo PWDs, Livelihood trainings, Educational Assistance para sa mga estudyanteng may kapansanan, Social Welfare Assistance, libreng Disability Assessment sa mga bata edad 17 pababa at insentibo sa mga kompanya na kukuha ng PWDs bilang empleyado.
Nagbibigay tayo ng assistive devices sa mga PWD tulad ng hearing aid, wheelchair, white cane, crutches at mayroon tayong QC Kabahagi Center na nagtataguyod naman ng therapy intervention services sa mga kabataang PWD na 17 anyos ang edad pababa.
Sa ilalim ng aking pamumuno at sa tulong ng iba’t ibang tanggapan ng siyudad at ng pamahalaan, makatitiyak ang sektor ng PWD na protektado ang kanilang karapatan at naisusulong ang kanilang kapakanan.