ANG mga sumusunod na pagkain ang bagay sa mga lalaki. Ang mga ito ay nagpapasigla at nagpapalusog.
1. Matabang isda. Kumain ng dilis, sardinas, bangus, tanigui, tuna, tawilis. Ang sustansiyang nakukuha sa isda ay ang omega-3 fatty acids. Ang fatty fish ay posibleng tumutulong laban sa sakit sa puso, stroke, hypertension, depression, joint pain, lupus at rheumatoid arthritis.
2. Beans at monggo. Mababa sa taba, ang mga beans ay isang mahusay na pinagmumulan ng protina at fiber. Maaaring magkaroon ng proteksiyong epekto ang beans laban sa sakit sa puso at kanser.
3. Kamatis at tomato sauce. Ang kamatis ay may lycopene, isang mabisang panglaban sa prostate cancer sa lalaki at sakit sa puso. May tulong ang lycopene sa balat at pagprotekta laban sa UV light ng araw.
4. Pulang karne at hindi taba. Ang karagdagang protina ay nakapagpapalusog. Ang protina ay gumagamit din ng mas maraming calories at nasusunog ang protina. Ang amino acid leucine ay matatagpuan sa pulang karne. Mahalaga ang amino acid dahil sa pagpapatatag ng masel sa katawan. Piliin ang lean meat na walang taba. Kumain ng katamtaman.
5. Seafoods. Ang mga alimango, tulya, talaba, hipon at iba pang shellfish ay may Zinc, mababa sa calories at mataas sa protina. Kailangan ng lalaki ang zinc para makabuo ng semilya. Tinutulungan din nito ang prostate. Kung ikaw ay kulang sa Zinc, tataas ang tsansa na ikaw ay magkaroon ng prostate cancer.
6. Saging at potassium. Para sa mga masakit na kalamnan at pulikat. subukan ang saging. Kung sapat ang potassium ay puwede maka-was sa mga ito. Ang saging ay sagana sa potassium. At kung ikaw ay may high blood, ang potassium ay mahalaga bilang pagbawas ng sodium para mapababa ang blood pressure.
7. Berdeng gulay. Madahon at berdeng gulay ang kangkong, malunggay, spinach, alugbati, dahon ng sili at lahat ng talbos. Ito ay mayaman sa antioxidants lutein at zeaxanthin na mabuti sa paningin. Ang phytochemicals sa gulay ay pinatataas ang cellular health at makatutulong sa pagpapababa ng tsansa na magkaroon ng kanser.
8. Orange na gulay. Subukan ang karot, kamote, kalabasa at orange bell peppers. Ang orange na gulay ay may maraming bitamina C, lutein at beta-carotene. Mabuti ito sa mata at pinipigilan ang sakit sa puso at kanser. Kaya kumain nang maraming mga gulay na iba’t iba ang kulay.
9. Itlog. Ang itlog ay masarap at masustansyang protina na puwedeng idagdag sa iyong pagkain. Ang isang malaking itlog ay mayroong 6 grams na protina, 63 mg potassium at 78 calories lamang. Puwedeng kumain ng isang itlog bawat araw.
10. Luya. Ang luya ay may tulong sa masakit at pagod na kalamnan. Ang luya ay mabisa sa pamamaga, tulad ng pain relievers. Sa pag-aaral sa mga pasyenteng may arthritis sa tuhod, ang katas ng purong luya ay nakababawas ng paninigas at sakit ng 40%. Ang salabat ay maganda rin sa pagduduwal, mabilis na paggaling at pag-alaga ng boses.