MALAMYA ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa e-sabong. Mahina talaga.
Kahit nakatalaga ang technical na Anti-Cybercrime Group sa mga illegal na kinasasangkutan ng cyber operations, abala rin ito sa naglipanang mga illegal cyberspace.
Sa lawak ng cyberspace kumpara sa patrulya ng kapulisan bilang crime detection and prevention, lubhang napakalaking trabaho ang anti-cybercrime kasama na ang mga krimen gamit ang cyber technology.
Ayon sa PNP gumagamit ang ACG ng dalawang paraan laban sa e-sabong. Una’y ang pagdiskubre sa e-sabong sites kung saan ginaganap ang mga sabong na bini-videohan at pinagpupustahan; ikalawa pag-take down sa mga ito sa web.
Ngunit mahina ang kampanya dahil ang pinakamalaking nagpapa-e-sabong ay hindi ma-detect sa simula pa.
Matatalino ang mga nakatalagang cyber-operatives ng e-sabong operators gaya ng sugarol-businessman na si AA kumpara sa cyber-operatives ng PNP, Department of Information and Communications Technology.
Ito ang dahilan kung bakit nauungusan ang kampanya laban dito at patuloy ang negosyo.
Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, nagaganap ang e-sabong sa mga liblib na lugar. Failure of intelligence kaya hindi matukoy kung saan ginaganap ang mga e-sabong.
Matagal na ang e-sabong sa buong bansa. Nabuo na rin ng intelligence community ang sapat na impormasyon at analysis ukol dito. Giya ng istratehiya ng law enforcement operations upang masawata ito.
Malamya at mahina ang kampanya sa e-sabong. Totoo ito.
Masigabo ang negosyong ito na pinangungunahan ng mga kilalang sugarol, mga pulitiko at iba pang taong kinasasangkapan para mamayagpag ang salot na e-sabong.
***
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com