EDITORYAL — Gustong kamuhian ang Pilipinas

MALAKING sampal sa Department of Tourism (DOT) ang ginawa ng kanilang kinontratang advertisement agency para i-promote ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapakita ng video na hindi naman pala kinunan sa bansa kundi sa ibang bansa. Ibig palabasin ng advertising company DDB Philippines na dito sa bansa kinunan ang mga tanawin pero hindi ito nakalusot sa mapanuring mga mata nang nakararami. Ang akala siguro ng DDB ay kahapon lang ipinanganak ang mga Pilipino para hindi mahalata kung saan kinunan ang video.

Isang araw makaraang ipalabas ng DDB ang mga “stock footage”, pinutol na ng DOT ang kontrata rito. Ayon sa report ang halaga ng kontrata sa DDB ay P49 milyon. Sinabi naman ng DOT na hindi pa binabayaran ang DDB sa ginawang kontrobersiyal na video. Sabi ng DOT, nilabag ng DDB ang mga tuntunin sa ilalim ng kontrata ng campaign branding sa turismo kabilang ang paggamit ng mga orihinal na materyales para sa promotional video.

Humingi naman ng paumanhin ang DDB sa DOT sa kanilang ginawa. Inamin na ang mga video footage ay kinuha sa ibang bansa. Ang rice terraces na nasa video ay kuha sa Bali, Indonesia. Ang mangingisdang naghahagis ng lambat ay kuha naman sa Thailand. Ang pampasaherong eroplano ay kuha sa Zurich, Switzerland at ang taong nagmamaneho ng sasakyan sa disyerto ay kuha sa Dubai, United Arab Emirates.

Inilunsad ng DOT ang bagong slogan na “Love the Philippines” noong nakaraang linggo kasabay sa pagdiriwang ng 50th  anniversary ng tanggapan.

Ayon kay DOT Sec. Christina G. Frasco, ang “Love the Philippines” slogan ay tututok sa mga tourism asset ng bansa, kultura at mismong mga Pilipino. Kasabay nito, pauunlarin din ang tourism products ng bansa gaya ng tourism spots, events, at mga mahahalagang produkto. Kasama rin sa kampanya ang accessability ng mga bagong tourism spots tulad ng sapat at tamang transportasyon at akomodasyon.

Hindi sapat ang paghingi ng paumanhin ng advertising agency at nararapat imbestigahan para malaman kung sino ang nakaisip nang “pagnakaw” sa video footage ng ibang bansa. Hindi na sila kinilabutan na ang ipalalabas para pagandahin ang image ng Pilipinas ay dati nang mga video. Hindi na sila nagsikap kunan ang tanawin sa Rice Terraces sa Ifugao, Chocolate Hills sa Bohol at ang mga nakamamanghang kuweba sa Palawan.

Isulong ng Senado ang pag-iimbestiga at pigain ang mga may-ari ng DDB kung bakit nila nagawa ang nakakahiyang “pagnakaw” ng video footage. Sa halip na ibigin ang Pilipinas ay kamumuhian dahil sa kanilang ginawa. Kakahiya!

 

Show comments