EDITORYAL - Wala nang magugutom?
Muling inulit ni President Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pangako na wawakasan na ang nararanasang kagutuman ng nakararaming mamamayan. Ito ang ikatlo niyang paghahayag na ginagawa ng kanyang administrasyon ang lahat nang paraan para ang mga nagdarahop na Pilipino ay hindi na makaranas ng gutom at magkaroon ng magandang buhay.
Una niyang sinabi noong Mayo 30, 2022 sa kanyang kauna-unahang talumpati makaraan ang inagurasyon sa National Museum sa Maynila na ang susi sa pagkakaroon nang maraming pagkain ay ang mahusay na pagpatnubay sa agrikultura. Ang papel aniya ng agrikultura ay napakahalaga pero napapabayaan kaya nagkakaroon ng problema sa pagkain. Ipinangako niya na pauunlarin ang agrikultura at hindi aasa sa importasyon. Hinawakan ni Marcos ang tanggapan ng Agrikultura at hanggang ngayon, siya pa rin ang umaaktong kalihim.
Noong Hulyo 25, 2022 na kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA), muli niyang binanggit ang may kaugnayan sa food sufficiency at ang pagtulong sa mga magsasaka para maparami ang ani. Kabilang aniya sa mga ipagkakaloob na tulong ay ang pagbibigay ng tulong pinansiyal, abono, pestisidyo, mga punla, feeds, fuel subsidy at ayuda para sa mga karapat-dapat na benipisyaryo.
Palalawakin din daw ang mga palaisdaan, babuyan at manukan. Gagamitan ng siyensya para tumaas ang produksyon. Gagawa rin ng national network ng farm-to-market roads upang mas mabilis na maihatid ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa mga pamilihan. Binanggit din ng Presidente ang muling pagbuhay ng mga Kadiwa Centers kung saan ay makabibili ng murang pagkain.
Noon ngang Sabado, muli niyang inulit ang pagsisikap ng pamahalaan para mawakasan na ang nararanasang kagutuman ng nakararaming Pilipino. Hindi raw siya titigil hangga’t hindi nalulutas ang problema sa kakapusan ng pagkain at nararanasang gutom.
Habang paulit-ulit ang sinasabi niyang paggawa ng paraan sa problema ng pagkain, nagpapatuloy naman ang importasyon hindi lamang ng bigas kundi pati na rin ang asukal, galunggong, sibuyas at iba pang agri products. Taliwas ito sa ipinangakong pagyayamanin ang sariling ani at tutulungan ang mga magsasaka para madagdagan ang produksiyon.
Habang patuloy ang pag-angkat, dumadagsa rin naman ang mga smuggled agri products na lantarang nagdaraan sa tungki ng ilong ng mga taga-Bureau of Customs. Mga smugglers at korap sa Customs ang nakikinabang at nagsisiyaman.
Malawak ang lupain ng Pilipinas subalit ang nakahain sa hapag ay mga produktong inani sa ibang bansa. Malawak ang karagatan, pero ang galunggong ay inaangkat.
- Latest