EDITORYAL- Paano mamahalin ang Pilipinas?

May bago nang slogan ang Pilipinas—ang “Love the Philippines” na inilunsad ng Department of Tourism (DOT) kasabay sa pagdiriwang ng 50th anniversary nito noong Martes na ginanap sa Manila Hotel. Naging panauhing pandangal si President Ferdinand Marcos Jr. Ang paglulunsad ng bagong slogan ay inihayag ni DOT Sec. Christina Garcia-Frasco.
Ang dating slogan ng bansa ay “Its More Fun in the Philippines” na ginamit mula 2012 hanggang 2023. Bago ito, ang slogan ng bansa ay “Wow Philippines” na inilunsad noong 2002 hanggang 2012. Tuwing 10 taon ay pinapalitan ang slogan.
Sabi ni Secretary Frasco, ang “Love the Philippines” slogan ay tututok sa mga tourism asset ng bansa, kultura at mismong mga Pilipino. Kasabay nito, pauunlarin din ang tourism products ng bansa gaya ng tourism spots, events, at mga mahahalagang produkto. Kasama rin sa kampanya ang accesability ng mga bagong tourism spots tulad ng sapat at tamang transportasyon at akomodasyon.
Ayon kay Frasco, tinatayang 4.8 milyong turista ang darating ngayong taon na higit na malaki sa 2.65 milyon na dumating sa bansa noong nakaraang taon.
Positibo ang dating ng bagong slogan at may himig na pagmamahal sa mga turista. Ipakikilala ang kagandahan ng Pilipinas gayundin ang mayamang kultura at iba pang mga katangian. “Love the Philippines goes to the very heart of every single Filipino with the distinct grace and hospitality with which we welcome every guest that comes into our shores, our communities, and our homes. Love the Philippines is a recognition of our natural assets, our long and storied history, our rich culture and diversity,” sabi ni Frasco.
Malaki ang aming paniwala na dahil sa bagong slogan, maraming mahihikayat na turista na dumalaw sa bansa. Ang isa naman sa dapat na iprayoridad na tuunan ng pansin ng pamahalaan ay ang pagsasaayos ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na tatlong beses nang nagkakaaberya ngayong taon dahil sa power outage.
Kapag naisaayos ang NAIA maaring marami nang darating na dayuhan at hindi na makararanas ng nakaka-stress na problema.
Mamahalin na ang Pilipinas sapagkat sa airport pa lamang ay nakita na ang kagandahan. Ito sana ang unahin para magkaroon ng saysay ang bagong slogan.
- Latest