Mga dapat gawin kung mataas ang cholesterol

1. Ipasuri kung tama ang blood test – Minsan ay nagka­kamali ang mga laboratory sa blood test. Sigurado ka bang hindi ka kumain sa loob ng 10 oras bago kunan ng dugo? Huwag munang matakot. Subukan munang magdiyeta at mag-ehersisyo. Pagkatapos ng dalawang buwan, ipa­ulit ang blood test.

2. Kumain nang tama – Mahal ang gamutan sa kolesterol at posibleng may side effects pa. Dahil dito, piliting isaayos ang iyong pamumuhay bago maggamutan.

Kung sobra sa timbang, kailangang magpapayat. Kapag pumayat ng 5 pounds, bababa rin ang iyong kolesterol. Sa diyeta, subukan ang madalas na pagkain ng oat­meal, monggo, gulay at isda. Iwasan ang cakes, pastries, croissant, ensaymada, mantikilya, cookies at iba pang mamantikang pagkain.

3. Mag-ehersisyo – Mag-ehersisyo ng tatlo hanggang­ limang­ beses kada linggo. Gawin ito ng 30 minutos hanggang isang oras. Malaki ang maitutulong ng ehersisyo sa pagbaba ng kolesterol.

4. Subukan ang natural na gamutan – Ang pagkain ng bawang ay puwedeng makababa ng kolesterol ng 9 to 12%. Ang pag-inom din ng omega-3 fish oil supplements ay nakabababa ng triglyceride levels, isang klase ng taba sa dugo.

5. Gamot sa kolesterol – Kung pagkaraan ng dalawang buwan na pagdidiyeta ay mataas pa rin ang kolesterol, puwede nang mag-umpisa uminom ng maintenance na gamot. Ito ay ang mga generic na Simvastatin, Atorvas­tatin o Rosuvastatin. Mayroon nang mga murang gamot sa generics na botika.

Show comments