^

PSN Opinyon

Kailangan mo ng trabaho sa Canada?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Lumabas sa  isang  survey ng Social Weather Station na isinagawa noong Disyembre 2022 na pitong porsiyento ng mga Pilipino ang naghahangad na makapagtrabaho sa ibang bansa. Dalawa sa bawat 10 adult Filipino o 17 porsiyento ng sinaklaw ng survey ang nagsasaad na nais nilang manirahan sa ibayong-dagat.

Isinaad pa sa survey ng SWS na, sa mga bansang gustong pagtrabahuhan ng mga Pilipino, nangunguna ang Canada (16%). Kabilang sa iba pang mga bansang ito ang Saudi Arabia, Kuwait, United Arab Emirates, Japan, Qatar, at United States.

Bakit Canada? Anong meron sa bansang ito?  Daan-daan libong Pilipino na ang kasalukuyang naninirahan sa naturang bansa. Marami ang doon na ipinanganak at lumaki sa nagdaang mga dekada. At patuloy pa rin ang pagdayo rito ng maraming mamamayang nagmumula sa Pilipinas.  Siyempre pa, mas maganda at tahimik na buhay at kinabukasan para sa sarili at pamilya, disenteng trabaho na mataas na sahod, oportunidad ang ilan sa mga maaasahang dahilan dito na siya rin namang dahilan ng mga Pilipinong dumayo sa iba pang mga bansa tulad sa Amerika, Europe, Middle East, at  Asia.

Lalo pa ngayong lubhang nangangailangan ng mga dayuhang healthcare worker ang Canada tulad ng mga nurse. Mas malaki ang pagkakataon ng isang Pinoy na makapagtrabaho at manirahan nang permanente sa Canada kung isa siyang nurse at  duktor. Wanted din ang caregiver. Pero, paano ang mga Pinoy na iba ang linya ng propesyon o kakayahan o kasanayan?  May mga Pilipino na ang naging trabaho sa Canada ay malayo sa kanilang pinag-aralan sa kolehiyo o iba sa kanilang nakasanayan at kakayan. Maging ang mga propesyonal, kahit meron nang lisensiya at may mga dinaanang kasanayan mula sa Pilipinas, ay kailangan pang dumaan sa mga bagong pagsasanay bago payagang makapagpraktis ng propesyon nila sa Canada.

Totoong malubha ang kakulangan ng Canada sa mga manggagawa pero ito ay dahil karamihan ng kanilang mga manggagawa ay matatanda na at nagreretiro kumpara sa mga nakakabata o iyong mga bago pa lang pumapasok sa puwersa ng paggawa.

Kaya nga, bago pa kumagat sa mga matatamis na pangako at propaganda ng magandang oportunidad at magandang kinabukasan sa Canada, mainam na magsaliksik hinggil dito para maging handa sa anumang kakaharapin sa pagdayo roon.

Noon ngang mga unang linggo ng Abril ng taong ito, batay sa isang ulat ng RCI, 13 Pilipino na bagong salta sa Canada ang dumating sa Newfoundland and Labrador na isang probinsiya sa naturang bansa. Magtatrabaho sila sa isang fish plant doon kahit marami sa kanila ay merong mga pinag-aralan. Ilan sa kanila  ay engineer, nurse at teacher sa Pilipinas

Hindi naman agad-agad na nakakakuha ng magandang trabahong may mataas na sahod ang lahat ng mga migranteng bagong salta sa Canada.

Lumabas nga sa isang 2022 study na “Road to Nowhere or to somewhere? Migrant Pathways in platform work in Canada” nina Laura Lam ng University of  Toronto at Anna Triandafyllidou ng Toronto Metropolitan University na may mga Pilipino at ibang mga migranteng bagong salta sa Canada na napipilitang tumanggap ng maliliit na trabaho na may kakarampot na sahod. Maraming balakid para makatapos sila ng kinakailangang pag-aaral doon at makakuha ng lisensiya para makapagpraktis sila ng kanilang propesyon kaya habang hinihintay ang prosesong ito ay tumatanggap sila ng maliliit na trabaho para masustentuhan ang kanilang pangangailangan. Nariyan iyong magtrabaho sa pabrika, bodega, tagalinis ng bintana, construction, retail trade, at hospitality sector.   At malaki pa ang nababawas sa kakarampot nilang sahod dahil kailangan nilang magbayad ng buwis. Pero, kahit ganito, tumatagal naman sila sa naturang bansa dahil patuloy silang umaasang makakakita ng mas magandang oportunidad.

Sabi nga sa website ng National Bank, hindi madali ang magkaroon ng bagong buhay sa isang dayuhang bansang tulad ng Canada. Isa itong malaking desisyong may mga negatibo at positibo. Marami kang kakaharaping mga problema, sagabal, hadlang at iba pang dadaanan.

Isa sa pangunahing balakid ang lengguwahe.  Sino mang mga Pinoy na bagong salta sa Canada ay kailangang mahusay sa wikang Ingles at Pranses. Hindi sapat na marunong kang umingles. Kailangang bihasa ka rito.

Kahit maraming magagandang benepisyong matatanggap sa Canada tulad sa edukasyon at kalusugan, napakataas naman ng binabayarang buwis dito. Karaniwang umaabot sa 42.5 porsiyento ng kinikita ng mga Canadian ay napupunta sa buwis. Mas mataas ang presyo ng bilihin doon kumpara ng sa Pilipinas.

Ayon pa sa National Bank, hindi garantiya ang low unemployment rate sa Canada para makakuha ng trabaho roon ang mga dayuhang bagong salta. May mga trabaho minsan na lubhang mataas ang pangangailangan sa manggagawa depende sa posisyon. May mga hiring process na napakatagal kaya kailangang magtiyaga ka sa paghahanap ng trabaho na tutugma sa iyong kakayayan at interes.

Paghandaan din ang napakaginaw na  klima sa Canada. Maaaring bumaba ang temperatura doon nang hanggang - -30°C. Merong mga damit na kailangang isuot sa magkakaibang season. May bahagi ng Canada na kailangan mong magsuot ng winter jacket sa loob ng pitong buwan.

Mapaghamong desisyon para sa mga bagong salta ang pagdayo sa Canada mula sa Pilipinas.  Timbangin ang mga positibo at negatibo bago magsimula ng bagong buhay sa Canada. Pag-aralan ang maitutugon nito sa pangangailangan mo at ng iyong pamilya.

* * * * * * * *I * * *

 

Email – [email protected]

OFW

SOCIAL WEATHER STATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with