EDITORYAL - Panganib ng vape
Hindi lamang pagkakasakit ang nakaambang panganib sa paggamit ng vape o electronic cigarette na kinahuhumalingan ngayon ng mga kabataan. Puwede rin itong sumabog habang hinihithit. Baterya ang gamit sa vape para ito magamit. Kapag naubos ang baterya at gumamit ng ibang baterya na hindi akma rito, posibleng sumabog at mapinsala ang bibig, ngipin, dila, gilagid, ilong at mata. Posible ring maapektuhan ang lalamunan at ang paghinga.
Gaya ng nangyari sa isang 17-anyos na estudyante sa Quezon City na nasabugan sa bibig ng ginagamit na vape. Sa report ng GMA News TV, pinalitan umano ng estudyante na nakilalang si King Sardea ang baterya ng kanyang vape dahil pumapalya na. Ang ipinalit umanong baterya ay galing sa ka-chat nito. Nang inilagay na umano ang baterya at testingin, biglang sumabog ang vape. Dinala ito sa East Avenue Medical Center. Ayon sa ina ng biktima, napinsala ang bibig at mga ngipin ng kanyang anak. May pinsala rin umano sa ilong nito. Ayon sa doktor, inoobserbahan nila ang pasyente dahil sa tinamong pinsala.
Delikado ang paggamit ng vape kaya marami ang tumututol dito sa umpisa pa lamang. Maraming health advocates ang nagpahayag na masama sa kalusugan ang paggamit ng vape sapagkat mayroon itong mga kemikal na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nakaka-addict at nagiging dahilan ng cancer. Noong 2018, naitala ng Pilipinas ang kauna-unahang e-cigarette o vape associated lung injury na kinasangkutan ng isang 16-anyos na babae sa Visayas.
Nagpahayag nang pagkabahala ang maraming grupo sapagkat maraming kabataan ngayon ang lulong na sa paggamit ng vape. Sa report ng 2019 Global Youth Tobacco survey, 14.1 percent ng mga estudyante ang nalululong sa vape smoking. Noong nakaraang buwan, sinabi ng PNP na sisitahin nila ang mga estudyante na nagvi-vape. Isinisisi ang pagdami ng mga nagvi-vape na estudyante sa mga nagkalat na vape shop malapit sa eskuwelahan.
Naalarma naman ang Department of Health (DOH) sa pagpasok ng mga harmful vape products at nananawagan sila sa DTI na pigilan ang pagbebenta ng mga ito. Kumpiskahin ng DTI ang mga di-rehistradong vape products. Nanawagan din ang DOH sa local government units (LGUs) na paigtingin ang pagpapatupad ng smoke-free at vape-free environment. Sa Valenzuela City, ipinagbawal na ang vape smoking.
Ang ginawa ng Valenzuela ay gayahin sana ng ibang bayan at lungsod sa buong bansa para mailigtas sa kapahamakan ang mga gumagamit ng vape, partikular ang mga kabataan. Iligtas sila pagkakasakit at panganib sa vape hangga’t may panahon pa.
- Latest