Ang kasong ito ay tungkol sa foreign divorce na kinuha ng isang banyagang lalaki na kasal sa isang Pilipina. Sa ilalim ng batas (Art. 26 Family Code), ang diborsyong legal na kinuha ng banyagang mister sa ibang bansa ay magbibigay ng karapatan sa asawang Pilipino na muling magpakasal sa ilalim ng batas ng Pilipinas. Pero kailangan muna na magsampa ng petisyon ang asawang Pilipino para kilalanin sa ating hukuman ang desisyon ng diborsyo mula sa ibang bansa. Ito ang ginawa ng Pilipina sa kasong ito pero nabasura pa rin ang kanyang petisyon. Alamin natin kung ano ang nangyari sa kasong ito ni Miriam.
May anim na taon na ang nakalipas mula nang magpakasal si Miriam kay Randy na isang Norwegian na nakatira sa Norway ayon sa ulat ng kasal nila na nilabas ng Philippine embassy sa Oslo. Ang mag-asawa ay nanirahan sa Norway ng dalawang taon bago naghiwalay dahil sa personal na problema. Si Randy ang kumuha ng divorse laban kay Miriam at ayon sa Norwegian Marriage Act ay nagkaroon ng pinal na diborsyon na inilabas ng Country Governor ng Oslo matapos ang isang taon. Sa pamamagitan ng authentication ay pinatunayan ng Vice Consul ng Pilipinas ang nasabing diborsyo.
Pagkalipas ng anim na buwan, nagsampa ng petisyon si Miriam sa RTC ng kanilang probinsiya para kilalanin ang kasulatan ng diborsyo mula sa Norway at para utusan ng hukuman ang Civil Registrar General pati ang Department of Foreign Affairs (DFA) na gumawa ng kaukulang anotasyon tungkol dito sa rekord ng kanyang kasal. Nagsumite siya ng (1) kopya ng kanyang kasal mula sa Philippine Statistics Authority, (2) orihinal na kopya ng decree of divorce pati translation(authenticated by Vice Consul, Philippine embassy, Oslo, Norway) at (3) kopya ng Norweigian Marriage Act No. 47.
Matapos ideklara na sapat ang laman at porma ng petisyon ay inutos ng RTC na padalhan ni Miriam ng kopya ng petisyon ang Office of the Civil Registrar General (OCRG), Provincial Prosecutor, at pati PSA. Pagkatapos ay inilathala sa dyaryo at ipinaskil sa bulletin board ng Provincial Capitol at RTC ang petisyon para makasunod sa jurisdictional requirements. Nagsumite din ng ibang ebidensiya tungkol dito si Miriam na tinanggap ng RTC. Walang ebidensiya na inihain ang estado, PSA at OCRG pati walang naging pagtutol sa petisyon kaya agad na itong isinalang para sa kaukulang hatol.
Pero makaraan ang halos dalawang taon, ibinasura ng RTC ang kaso dahil sa “lack of jurisdiction”. Dapat daw ay isinampa ang petisyon sa lugar kung saan matatagpuan ang rekord ng kasal o sa lugar kung saan matatagpuan ang opisina ng ORCG at DFA. Ayon sa RTC, ang hinihingi ni Miriam sa petisyon ay hindi lang ang pagkilala sa desisyon ng ibang bansa kundi pati pagtatama sa record ng civil registry kaya ang petisyon ay naging espesyal (special proceedings) at mahalaga ang lugar o venue.
Kinuwestiyon ni Miriam hanggang sa Supreme Court ang desisyon ng RTC. Mali raw ang hukuman sa pagbasura ng kaso dahil sapat naman ang porma at nilalaman ng kanyang petisyon pati tinanggap na nila ang lahat ng ebidensiyang inihain na wlaang naging pagtutol o oposisyon ang gobyerno tungkol sa petisyon o kahit sasasabing venue. Kung tutuusin daw ay isyu lang ng proseso ang venue.
Pero ayon sa SC ay tama ang RTC sa ginawang pagbasura sa kaso dahil sa lack of jurisdiction. Dineklara ng korte na dalawa ang malinaw na hinihingi sa RTC (1) pagkilala sa foreign decree of divorce, (2) pagtatama sa entry ng civil registry. Kaya hindi sapat na maihain ni Miriam ang ebidensiya ng foreign decree pero dapat din na sumunod siya sa patakaran na nakalahad sa batas (Art. 108 Rules of Court) para sa pagsasampa ng verified petition. Malinaw na dapat isampa ang petisyon sa lugar kung nasaan ang civil registrar. Hindi ito nagawa ni Miriam. Ang ulat ng kasal ay matatagpuan sa DFA o kaya ay sa OCRG na nasa Pasay at sa Quezon City. Dapat ay isampa sa RTC kung nasaan ang dalawang opisina pero ang nangyari ay sa RTC kung saan nakatira si Miriam naisampa ang kaso. Mas madali ito sa kanya pero mali pa rin ang venue ng kaso. Idagdag pa na nakalimutan niya na isama ang DFA at OCRG sa kaso. Siyempre ay walang kapangyarihan ang RTC ng probinsiya ni Joanne na utusan ang opisinang nasa labas ng lugar na nasasakupan nito.
Kaya tama lang na ibasura ng RTC ang kanyang kaso. Ang kagandahan lang ay hindi hadlang ang desisyon ng RTC para muling magsampa si Miriam ng kaso sa tamang korte. Basta siguraduhin lang na naroon nga ang record ng kanyang Report of Marriage. (Hoansen vs. Office of the Civil Registrar General, Department of Foreign Affairs, Philippine Statistics Authority and Office of the Solicitor General, G.R. 256951, November 29, 2021).