EDITORIAL — Trabaho ang ipagkaloob para wala nang mamalimos

MARAMING mahihirap ang umaasa sa ayuda ng gobyerno. Kapag nawala ang ayuda, maraming maninigas sa gutom. Dito lang yata sa Pilipinas ma­raming ayudang ipinagkakaloob ang pamahalaan. Mayroong Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at ang pinakabago ay ang “Food Stamp Program” na ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay sisimulan sa susunod na buwan.

Bukod sa ayuda ng national government, mayroon pa ring ayuda ang local government na karaniwan ay cash ang ipinagkakaloob. Mayroon din para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs).

Ang 4Ps ay sinimulan noong termino ni President Gloria Macapagal-Arroyo kung saan nakatatanggap­ ng ayudang cash ang mga pinakamahihirap na pamilya sa buong bansa. Sa pinakahuling tala, nasa 4.4 milyon ang benepisyaryo ng 4Ps. Mayroon itong taunang budget na P200 bilyon.

Noong nakaraang taon, natuklasan na maraming 4Ps beneficiaries ang nandaraya. Hindi nila nire-report na “graduate” na ang pamilya nila kaya patuloy­ pa ring nakakakubra ng cash ayuda sa DSWD. Ipinag-utos ni President Ferdinand Marcos Jr. kay dating DSWD Sec. Erwin Tulfo na linisin ang listahan ng 4Ps beneficiaries. Natuklasan na 1-milyong benipisyaryo ang nandaraya. Inalis na sila sa listahan.

Ayon naman kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, 700 beneficiaries ang nag-graduate na sa 4Ps at hindi na sila makakasama sa mga bibigyan ng ayuda sa susunod na buwan. Nilinaw din ng DSWD na ang mga benepisyaryo ng 4Ps ay hindi kabilang sa bagong Food Stamp program na aarangkada nga sa Hulyo. Nasa P40-bilyon ang pondo ng Food Stamp at nasa 1-milyon ang benepisyaryo. Ang mga benepisyaryo ay kailangang may maipakitang trabaho at sumasahod nang hindi lalampas sa P8,000 bawat buwan. Sa ilalim ng programa, tatanggap ng P3,000 bawat huwan ang benepisyaryo sa pamamagitan ng tap cards. Ipapalit ito sa mga mga ka-partner na grocery stores, supermarkets at Kadiwa-centers ng pamahalaan.

Marami ngang ayuda para sa mga mahihirap ang gobyerno at siguro ay walang katapusan ito. Kailangan ay magsikap ang pamahalaan na lumikha ng mga trabaho para sa mga benepisyaryo. Lagi na lang bang magkakaloob ng ayuda? Lagi na lang bang lilimusan ang mga mahihirap? Hindi matatapos ang paglahad ng kamay ng mga tao hangga’t nagkakaloob ang gobyerno.

Gaya ng sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr., trabaho at hindi cash ang kailangan ng mga Pinoy. Kung ganun, kailangang lumikha nang trabaho ang pamahalaan. Ito ang kailangan para huwag mamihasa ang marami na nakasahod ang kamay at naghihintay sa ibibigay. Pagpawisan ang ilalaman sa tiyan.

Show comments